Lalamove driver biniktima.. 2 snatcher timbog sa shabu

Dalawang umano’y snatcher na nambiktima sa Lalamove driver ang arestado at nakuhanan pa ng shabu sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong robbery snatching at paglabag sa R.A 9165 ang naarestong mga suspek na sina Rafael Damian, 21, ng Bgy. 150 at Richard Martinez, 31, ng Bgy. 154, kapwa ng lungsod.
Sa nakarating na ulat sa bagong hepe ng Caloocan Police na si P/Col. Dario Menor, alas-11:40 ng gabi, minamaneho ng Lalamove driver na si Elizalde Manansala, 47, ng Bgy. 154, ang kanyang motorsiklo habang tinatahak ang kahabaan ng North Diversion Road (NDR), Bgy. 154 nang pansamantala itong huminto upang tignan ang kanyang cellphone.
Bigla na lamang sumulpot mula sa likuran ang mga suspek at hinablot ang kanyang cellphone saka tumakas habang humingi naman ng tulong ang biktima sa mga barangay officials.
Sa pagresponde nina Bgy. 154 ex-O Eliver Apilado at Kagawad Rowah Latagan, nasakote ang mga suspek kung saan narekober sa kanila ang isang cellphone at dalawang sachets na naglalaman ng 3.04 gramo ng shabu na nasa P20,672 ang halaga.





Comments