top of page
Karylle - IG.jpg

Ang hirap at sarap ng pagiging working student

  • Kuya Win Gatchalian
  • Feb 27, 2020
  • 2 min read

Bilib tayo sa mga working student. Hindi biro na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho ngunit, dahil sa matinding determinasyon na makatulong sa pamilya, kinakaya nila ang lahat ng pressure at stress.

Matinding disiplina ang kailangan para mapanindigan ang pagiging working student. Iba’t ibang sitwasyon at pagsubok ang maaaring kaharapin nila sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Isa na rito ang time management. Importante ang tamang pagbabalanse ng oras lalo na kung panahon ng exams at kung may mga assignment na dapat tapusin agad.

Focus ang kailangan upang mapanatili ang magandang academic performance. Ang pangalawa ay kung paano mapaninindigan na makapagtapos sa pag-aaral.

Kadalasan, maiisip na tumigil na lang dahil may trabaho naman na at kumikita na. Malaki ang posibilidad na mangibabaw ang trabaho at mawalan na ng interes sa edukasyon.

Kaya mas mainam na sa campus na mismo magtrabaho ang estudyante para maging abot-kamay lang ang mga gawain.

Naaapektuhan din ang kalusugan nila lalo na at madalas na puyat at pagod dahil dire-diretso ang shift sa klase, trabaho at pagre-review pa sa bahay mula umaga hanggang madaling-araw.

Kung may mga balakid, may mas magagandang benepisyo rin naman ang pagiging working student tulad na lang ng oportunidad na lumawak ang kaalaman, mahasa ang kakayahang magdesisyon at matutong dumiskarte sa buhay.

Natututo silang humarap sa iba’t ibang uri ng tao at nahahasa ang communication skills. Anuman ang kanilang natutunan sa pagtatrabaho ay maiaaplay nila sa mga leksiyon sa klasrum.

Sa maraming paraan, nagiging ehemplo rin sila ng mahusay na lider sa mga kapwa mag-aaral dahil nakikita sa kanila ang iba’t ibang mabubuting karanasan at kasanayan. Daan din ito para sa wastong paghawak hindi

lamang ng oras kundi ng pera.

Dahil sa pagsubok na nararanasan sa pagiging working student, sila ay responsable sa pagba-budget ng pera sa tamang paraan at nakapag-iipon sila ng pambayad sa mga school requirement.

Malaking benepisyo ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law o ang Free Higher Education Act (Republic Act No. 10931) para makadagdag sa pampinansiyal na pangangailangan ng mga nasa kolehiyo, kasama na rito ang mga working student.

Anuman ang antas, kalagayan o katayuan sa buhay, kahanga-hanga talaga ang sipag ng mga working student.

Sa mura nilang edad na masabak sa pagbabanat ng buto, tiyak na malayo ang kanilang mararating kapag nakapagtapos na sila ng pag-aaral!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page