Skull breaker challenge, laro ng mga adik at wala nang pangarap sa buhay

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Hindi ko mapalampas ang nasaksihan kong bagong usong laro na kinagigiliwan ngayon ng kabataan na dapat malaman din ng mga magulang, partikular ang hindi masyadong mahilig sa social media.
Ito ang tinatawag nilang laro na ‘skull breaker challenge’ na unang nauso sa TikTok at ngayon ay nagkalat na rin sa YouTube. Sa mga magulang na wala pang ideya kung ano ang nakakatakot na larong ito, magandang panoorin ninyo ito.
Sa mga hindi pa nakaaalam, ito ay nilalaro ng tatlo katao na patatalunin ng dalawang nasa gilid ang nasa gitna. Habang nasa ere ay biglang papatirin ang walang kamuwang-muwang na biktima ng dalawa nitong katabi.
Ang resulta, mawawalan ng balanse ang nasa gitna at plakda itong babagsak sa sahig o semento na nakaangat ang dalawang paa na maaaring ikabagok ng kanyang ulo kaya ito tinawag na ‘skull breaker’.
Ang pinaka-highlight ng naturang laro ang makaligtas sa pagkakabagok ang nasa gitna kasabay ng malakas na tawanan ng nasa magkabilang tabi niya na silang responsable sa pamamatid. Ang nakababahala sa mga napanood ko ay puro walang malay ang biktima.
Sinong magulang ang hindi mangangamba kung malalaman mong ang iyong anak ang nasa gitna na habang tumatalon ay biglang papatirin kapag nasa ere na napakalaki ng tsansa na mabagok ang ulo nito sa semento?
Dahil sa usung-uso itong katuwaan ng kabataan, hindi malayong ang inyong mga anak ay naglalaro na ng skull breaker challenge at kapag may nabasag nang bungo ay saka lamang tayo gagawa ng aksiyon.
Makabubuting hangga’t maaga ay mabigyan ninyo ng babala ang inyong mga anak na huwag na huwag susubok ng mga larong ito na inisip ng isang wala nang pangarap sa buhay.
Hindi malayong ang nakaisip nito ay may diperensiya sa utak o marahil ay gumon sa ipinagbabawal na gamot dahil sa lubhang napakadelikado ng larong ito.
May mga ulat na dalawa na ang namatay sa larong ito ngunit, hindi pa makumpirma ang detalye habang isinusulat ko ang artikulo kong ito at tinitiyak ko na hindi na mabilang sa daliri ang nasaktan hinggil dito.
Sa ngayon, mga teenager pa lang ang nakikita kong naglalaro sa TikTok at YouTube kaya kahit paano ay medyo matitigas na ang mga buto ng mga batang ito.
Pero kapag natutunan ito ng mga paslit, baka mas delikado kapag sila na ang gumawa nito dahil sa hindi pa sila marunong magkontrol kung gaano kalakas ang pagpatid.
Ngayong naibahagi ko na sa inyo ang nakamamatay na larong ito, makabubuting ibahagi rin ninyo sa mga kakilala ninyong magulang para mabantayan nila ang kanilang mga anak.
Kailangang maipaliwanag ng mga magulang sa kanilang mga anak ang masamang dulot ng larong ito na marahil ay hindi pa abot ng pananaw ng kabataan kaya dapat nating paalalahanan.
Maging ang mga guro, makabubuting bigyan ninyo ng ilang minuto ang inyong mga estudyante para paalalahanan hinggil sa larong ito dahil maging sa mga paaralan ay ginagawa na ito ng mga bata.
Puwede rin kasing gawin itong dahilan ng isang estudyante na may galit sa kapwa niya estudyante na yayain niyang maglaro ngunit, itotodo niya ang pagpatid para mas malakas ang bagsak ng kanyang kasamaang-loob.
Huwag na nating hintayin na isa sa ating mga anak ang maging biktima ng larong ito, tapos saka tayo iiyak-iyak kapag basag na ang bungo ng ating anak. Dapat ngayon pa lamang ay kumpleto na tayo sa pagpapaalala.
Kung anu-ano na ang naiisip ng mga tao. Ang tataba ng utak!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments