Mga aktibo sa sex, malaki ang tsansang magka-cervical cancer
- Shane Ludovice
- Feb 26, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Cervical cancer ang ikinamatay ng pinsan ko. Huli na nang malaman niyang may cancer siya dahil wala naman siyang anumang sintomas na naranasan. Kung sakali ba na maaga itong malaman, may tsansa ba na magamot pa ito? - Ida
Sagot Halos lahat ng kaso ng cervical cancer sa mundo ay sanhi ng human papillomavirus (HPV) at halos 50% ng mga aktibo sa sex ay maaaring magkaroon ng HPV infection.

Ayon sa pag-aaral, anim sa sampung Pinay ang maaaring mamatay sa cervical cancer sa loob ng limang taon. Kalimitan sa mga pasyenteng may cervical cancer ay napag-alamang nasa advanced stage na ng kanilang sakit.
Ito ay dahil walang masyadong sintomas ang HPV infection lalo na kung nasa maaga pa lamang na antas. Samantala, 40% ng kanser sa ari ng babae; 90% kanser sa puwit; 40% kanser sa ari ng lalaki; 12% ng kanser sa leeg o lalamunan at 3% naman ng kanser sa bibig ay sanhi ng mga high-risk na uri ng HPV.
Maaaring maiwasan o mapababa ang tsansang makapitan ng HPV dahil mayroong bakuna laban dito at hindi lamang babae ang maaaring magkasakit sanhi ng HPV. Mas maigi kung mapababakunahan ng HPV vaccine nang mas maaga ang babae o lalaki bago pa man maging aktibo sa pagtatalik. Walang gamot na maiinom para mawala ang HPV infection, bagkus, sariling depensa o panlaban ng katawan ang siyang namamahala sa pagsupil ng HPV sa sistema. Gayundin, hindi lahat ng may HPV infection ay may kulugo sa ari o palatandaan na may impeksiyon.
Ang pap smear o ang pag-iinspeksiyon ng kuwelyo ng matris ay hinihikayat sa kababaihan dahil ito ang pamantayan o gold standard upang masuri kung may cervical HPV infection.





Comments