Dahilan ng pagtengga ng Kamara sa prangkisa ng ABS-CBN, sisingaw sa Senate hearing
Nagkaroon ng pagkakataon ang ABS-CBN na ibigay ang kanilang panig sa isyu ng prangkisa.
Ibig sabihin, nagiging patas ang diskusyon sa angkop na “forum o venue”!
◘◘◘
TALIWAS ito sa postura ng Kamara ng mga representante na itinengga ang resolusyon hinggil sa kontrobersiyal na prangkisa.
Kapag tameme ang Kamara, binubusalan nila ang katotohanan sa likod ng tunay na isyu!
◘◘◘
TAMA ang pahayag ni Sen. Grace Poe na nagsabing dapat “ilabas ang katotohanan”.
Ibig sabihin, tumpak ang desisyon ng Senado na magsagawa ng pagdinig upang mamulat ang lahat sa tunay na sitwasyon!
◘◘◘
KAILANGANG malaman natin ang katotohanan at kailangang marinig ito ng taumbayan.
‘Yan mismo ang posisyon ni Sen. Poe sa pagdinig ng Committee on Public Services, kamakalawa!
◘◘◘
NILINAW ni Sen. Poe: “Binibigyang-diin natin na ang pagdinig na ito ay parte ng kapangyarihan ng Senado batay na rin sa nakasaad sa ating Konstitusyon.”
Hindi rin umano ito taliwas sa mga desisyon ng Korte Suprema tungkol sa hurisdiksiyon sa pagdinig ng mga prangkisa at sabayang pagtalakay ng mga issues!
◘◘◘
BAGAMAN, mas madalas nagmumula ang mga franchise bills sa Kongreso o sa House, hindi rin bago na magkaroon ng sabayang pagdinig para sa mabilisang lehislasyon lalo na ang mga prayoridad ng pangulo tulad ng budget at TRAIN Law.
Ibig sabihin, tiwala si Sen. Poe sa kapangyarihan ng Senado na dinggin ang mga resolusyong inihain tungkol sa ABS-CBN!
◘◘◘
SA totoo lang, pinipigil ng ilang grupo ang pagdinig ng Senado kaugnay sa prangkisa.
Pero naninindigan ang Senado sa kapangyarihan nito bilang kapantay na sangay ng gobyerno sa isang Republika at demokrasya. Kailangang panatilihin ang balance at separation of powers!
◘◘◘
MARAMING prangkisa na nabigyan ng provisional authority ng NTC kahit expired na.
Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na paiiralin ng NTC ang “equity” tulad ng ginawa nito sa mga nakaraang prangkisa!
◘◘◘
IGINIIT ni Sen. Poe na walang probisyon sa batas ng mga prangkisa tungkol sa pagbibigay ng provisional authority ng NTC para sa mga nasa proseso pa ng renewal.
Malinaw kung gayun na dapat pairalin ang “equity” na siyang ikabubuti ng nakararami!
◘◘◘
MAHABA pa ang diskusyon hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN.
Pero, dahil sinimulan na ang pagdinig, lilitaw na ang katotohanan o motibo kung bakit itinetengga ang pagre-renew sa prangkisa.
He-he-he!





Comments