top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Ayaw papigil ng Japan, kahit may COVID-19, tuloy ang Olympics

Gerard Arce
Feb 26, 2020
2 min read

Kahit man may mga panawagan at pagpigil ng ilang mga pambansa at pandaigdigang kumpetisyon na may kinalaman sa 2020 Tokyo Olympics, wala pa ring makapipigil sa organizers ng Summer Games na ipahinto ang pagpapasagawa nito kahit pa man may banta ng lumalaganap na Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo.

Inanunsiyo ni Tokyo Olympic at Paralympic Organizing Committee chief Yoshiro Mori na hindi nila kinokonsidera na ipatigil o ipahinto pansamantala ang pagsasagawa ng quadrennial meet na nakatakdang magbukas simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.

“I want to again state clearly that cancellation or postponement of the Tokyo Games has not been considered,” pahayag ni Mori sa pagtitipon kasama ang International Olympic Committee sa ibinalita ng Kyodo news agency. Ayon pa sa ulat, sinabi rin ng opisyal na makikipagtulungan ang mga organizers sa gobyerno at tutugon ng mahinahon sa anumang problema o may kaso sa naturang epidemya.

Matatandaang nagmula ang panibagong klase ng virus mula sa Wuhan City sa bansang China noong Disyembre ng 2019 at tinatayang kumalat na sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Nagtala na ang nasabing sakit ng mahigit sa 1,000 kataong nasawi sa China.

May kumpirmasyon naman ng mahigit sa 200 kaso ang naitala sa Japan, kabilang ang 218 kataong nasa loob ng nakadaong na Diamond Princess cruise ship na kinokuwarentina sa Yokohama. Nagdeklara na ang World Health Organization (WHO) ng pandaigdigang pangangailangan sa kalusugan sa kasagsagan ng epidemya.

Wala naman umanong alternatibong paraan o “Plan B” ang mga organizers ng Olympiad para maging dahilan upang ipahinto, ipatigil o ilipat ang naturang paligsahan.

“Certainly the advice we’re received externally from the WHO (World Health Organization) is that there’s no case for any contingency plans or cancelling the games or moving the games,” saad ni John Coates, pinuno ng IOC inspection team. “We continue also to monitor, particularly the Chinese that will be coming here. You’ll find that the Chinese teams are mostly out of China. That’s the athletes and officials,” dagdag ni Coates matapos matanong hinggil sa contingent ng China na aabot sa 600 atleta, isa sa mga malalaking delegasyon sa Summer Olympics.

Dito sa Pilipinas ay nagpalabas naman ang Philippine Olympic Committee (POC) ng pagsuporta sa mga aksyon ng gobyerno hinggil sa mga panukalang ipinapatupad sa mahigpit na pag-iingat laban sa corona virus.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page