top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

‘Wag sayangin ang tunay na diwa ng EDSA

  • Nancy Binay
  • Feb 26, 2020
  • 2 min read

Kahapon, idinaos ang komemorasyon ng ika-34 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Personal para sa aming pamilya ang People Power. Human rights lawyer ang aking ama noong panahon ng diktadurya at naranasan niyang makulong dahil sa kanyang adbokasiya.

Nakalulungkot na tila marami na ang nakalimot sa People Power. Marami rin ang kumukuwestiyon sa halaga nito sa kasalukuyan.

Hindi rin natin masisisi na marami ang nag-iisip at nakararamdam na nabigo ang EDSA na magdala ng tunay at sistematikong pagbabago.

Nananatili ang ganitong damdamin na hudyat na marami pa tayong dahilan para makibaka.

Hindi pa tapos ang laban natin. Kinakailangang bantayan ang kalayaang nabawi natin noong 1986 nang hindi ito mawalang muli.

Ano ang diwa ng EDSA, buhay pa ba ito?

Ang diwa ng EDSA ay bayanihan. Buhay na buhay ito — sa bawat sakunang patuloy tayong nagtutulungan, sa bawat adbokasiyang ating ipinaglalaban. Walang kulay ang EDSA — hindi ito pula, puti, itim o dilaw.

Nanaig tayo noong 1986 hindi dahil sa ilang personalidad lamang. Nagtagumpay tayo dahil nagbakas tayo ng lakas para sabihin sa isang mapang-abusong rehimen na “tama na, sobra na.”

Nagtagumpay ang EDSA dahil sa karaniwang tao. Nasa bawat isa sa atin ang potensiyal at lakas para maging bukal ng pagbabago. At tulad ng paulit-ulit nating ipinamamalas, kayang-kaya nating ipagsigawan ang ating mga pagkakaiba para sa isang layunin. Ito ang tunay na People Power.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page