Tugawin, naghari sa Ronda Stage 2
- A. Servinio/ATD
- Feb 25, 2020
- 2 min read

Naga City – Patuloy ang pagdating ng mga sorpresa sa pagsungkit ni Ryan Tugawin ng pangalawang yugto ng LBC Ronda Pilipinas 2020. Naghari ang pambato ng Tarlac Central Luzon sa 154.5 kilometrong lakbay mula Legazpi City hanggang Naga City sa oras na 3:50:37.
Makapigil-hininga ang bakbakan nina Tugawin at Ismael Grospe ng Go For Gold at George Oconer ng Philippine Navy-Standard Insurance. Binigyan ng parehong oras kay Tugawin sina Grospe at Oconer at sinundan sila ng malaking pulutong na kinabibilangan ng mga dating kampeon na sina Jan Paul Morales at Ronald Oranza ng PNSI at Mark Lexter Galedo ng 7-Eleven CLIQQ Air21.
“Nag-abang lang ako sa likod, tapos nakalusot ako at noong makita ko na umatake si George (Oconer) humabol ako,” pahayag ni Tugawin. Sa likod ng matinding palitan sa pangalawang yugto ay nanatili ang pulang jersey kay Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army. May pangkalahatang oras si Bordeos na 6:56:34, tatlo na lang ang lamang kay Jerry Aquino ng Scratch It (6:56:37) at Oconer (6:57:01).
Sa karera para sa team championship, inagaw ng 7-Eleven ang liderato sa PNSI. Sa bisa ng lima nilang siklista na nagtapos sa Top 10, umangat ang oras ng 7-Eleven sa 27:47:23 kumpara sa 27:49:54 ng PNSI habang pangatlo ang Bicycology sa 27:50:03.
Marahil ay pumabor kay Tugawin ang bantayan ng mga siklista ng PNSI at 7-Eleven. “Dumikit lang ako sa kanila at noong nakakita ako ng puwang ay kinuha ko na ang pagkakataon,” wika ni Tugawin na isang magsasaka ng palay sa Solano, Nueva Vizcaya kapag hindi abala sa pagpadyak.
Ang ikatlong yugto ngayong araw ay magsisimula sa Daet at magtatapos sa Lucena City.
Sa 206 kilometro, ito na ang pinakamahaba sa 10 nakatakdang yugto at tiyak na masusubukan ang lakas ng mga siklista lalo na sa mga bulubundukin ng Quezon.





Comments