top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pinoy, unang disiplinahin bago ang mga dayuhan para good example

  • Ryan B. Sison
  • Feb 25, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Bawal ang pasaway!

Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhang nasa bansa na huwag magpakita ng hindi magandang-asal.

Ito ay kasunod ng panibagong insidente na kinasangkutan ng Chinese na dumura sa loob ng fastfood chain habang hinihintay ang kanyang order at hindi pa ito nakuntento dahil sinigawan pa nito ang guwardiya at isang crew.

Dahil dito, inaresto ang dayuhan at nahaharap sa kaukulang kaso.

Bago pa ito, may nahuli ring Chinese na nandura ng pulis matapos sitahin dahil sa paglabag sa number coding at nakumpiskahan pa ng ilegal na droga.

Ayon sa BI, ang mga dayuhan na walang respeto sa batas na ipinatutupad sa bansa o nambabastos ng mga awtoridad ay ikinokonsiderang “undesirable aliens”.

Dagdag pa rito, bukod sa mahaharap sa mga kaso, ipade-deport at maba-blacklist na sa Pilipinas ang mga dayuhang pasaway.

Kapag nabatid sa aiport na may bad record, may kaso o pugante ang dayuhan, agad itong pababalikin sa pinagmulang bansa at hindi na papayagang makabalik sa Pilipinas.

Samantala, patuloy ang monitoring ng BI sa mga foreign national na nasa bansa at hindi lang sa mga nagba-viral sa social media kundi sa iba pang maaaring maging banta sa kaligtasan ng tao.

Sa totoo lang, hindi na kailangang ipaalala na ‘wag magpasaway dahil dapat itong gawin nang kusa, pero ang nangyayari, tayo pa ang nagmamakaawa sa mga banyaga na respetuhin ang ating bansa.

Kunsabagay, kapwa Pinoy nga natin, eh, hindi rin maawat sa pagpapasaway kaya ang ending, ginagaya ng mga dayuhan.

‘Yung tipong simpleng pagtatapon ng basura ay hindi natin magawa, kaya pagdating sa mga pasyalan, sangkatutak na basura ang iniiwanan ng mga turista.

Ang mga ganitong simpleng bagay ay may malaking epekto sa ating bayan. At hindi porke mga dayuhan ang pinaaalalahanan, eh, wala na rin tayong gagawin.

Paalala sa mga kababayan natin, maging mabuting ehemplo tayo hindi lang sa kapwa natin Pinoy kundi pati sa mga dayuhan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page