Silver medal pa para sa Kayod Pilipinas sa SEA Cup
- Gerard Arce
- Feb 25, 2020
- 2 min read

Photo: thesquashsite
Sumungkit pa ng isang silver medal ang Kayod Pilipinas National Squash team sa huling araw ng kumpetisyon ng 6th Southeast Asian Cup SEA Squash Championship na ginanap sa Vajiravudh College sa Bangkok, Thailand.
Hindi pinalad ang pambansang koponan na makopo ang championship matches sa Team event matapos yumukod sa powerhouse Malaysian team via 1-4. Tanging si 30th SEAG gold at silver medalist winner Robert Garcia ang nakakuha ng panalo sa Kayod Pilipinas sa naturang event nang makabawi ito kay singles gold medal winner Duncan Lee Yung Yii, 11-9, 9-11, 5-11, 8-11, nang matalo noong semifinals match sa men’s singles division.
Buwenamanong panalo ang kinuha ni Garcia sa pagsisimula ng laro sa Team event, ngunit hindi pinalad ang tatlong sumunod na manlalaro ng Kayod Pilipinas matapos makatanggap ng magkakasunod na pagkatalo. Nagapi sa sumunod na laro si SEAG bronze medal winner Jemyca Aribado kay women’s singles champion Aira Azman, 11-9, 2-11, 8-11, 7-11. Hindi naman gaanong tumagal ang laro ni Yvonne Ayssa Dalida nang lampasuhin sa 3 sets ni Heng Wai Wong, 7-11, 2-11, 8-11, habang lumaban hanggang dulo si David William Pelino kay Wee Ming Hock Vincent Jone Jr. kahit natalo sa 7-11, 2-11, 12-14.
“This team showed a lot in this competition and we are very glad that they performed from what we’ve expecting,” pahayag ni Philippine Squash Association (PSA) president Robert Bachmann sa panayam ng BULGAR sa social media. “However there is some room for improvement, so we’re going to fix that during our trainings,” dagdag nito.
Bago makatuntong sa Finals ang Kayod Pilipinas ay nagawa muna nitong magwagi sa koponan ng host Thailand via 5-0 at blangkuhin rin ang Indonesia sa iskor na 5-0.
Ang koponan ng Kayod Pilipinas ang defending Mixed-Team event champion sa SEA Games.





Comments