top of page

Paglikha ng mobile o computer games, ituro sa kabataan para mas maging malikhain

  • Kuya Win Gatchalian
  • Feb 25, 2020
  • 2 min read

Ano ba ang kahalagahan ng ating sining at kultura? Ilan sa mga positibong epekto nito ay may kinalaman sa lipunan, ekonomiya ng bansa, edukasyon at maging ang kondisyong pangkalusugan ng bawat isa.

Asahan na ang mga paaralan, maging ang ating pamahalaan ay palaging handang ipalaganap ang kagandahan ng sining at kultura para sa kabataang Pinoy.

Base sa pananaliksik ng Houston Education Research Consortium, ngayong taon, ang edukasyon sa sining ay may pambihirang epekto sa pang-akademiko, sosyal at emosyunal na aspeto ng buhay ng mga mag-aaral.

Sa pamamagitan nito, nakapagpapahayag sila ng damdaming nakaiintindi at nakikisimpatiya sa malungkot na nararamdaman ng iba sa pamamagitan ng mga karanasan sa sining — tulad ng mga awit, sayaw, pagpipinta, pagbuburda, pagbuo ng iskultura at marami pang ibang uri nito.

Malaking benepisyo ang nagagawa nito sa paghubog sa pisikal, mental, emosyunal at sosyal na damdamin ng kabataan.

Sa pamamagitan ng Social-Emotional Learning (SEL) ay nababawasan ang nararanasan nilang kondisyon tulad ng pagkalungkot, hindi makapag-isip nang maayos, walang konsentrasyon at hindi makapagdesisyon.

Isa sa mga ibinahagi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones tungkol sa preserbasyon ng sining at kultura ng ating bansa ay ang kahalagahan at kaugnayan nito sa mga indibidwal na may kondisyon sa kanilang mental na kalusugan.

Dito pumapasok ang ganda ng pagtangkilik ng sining na minsan ay tila binabalewala na lang ng iba. Tulad ng sinabi ni Secretary Briones, hindi lamang sa kasuotan o talento nasusukat ang sining at kultura.

Sa halip, ito ay nanggagaling sa laman ng ating mga puso. Sa pagkakataon ding ito natin malalaman kung hanggang saan at sa anong paraan natin kayang pahalagahan ang sariling atin.

Kabi-kabilang estilo ang ginagawa ng kabataan upang tangkilikin at sulitin ang sining kung saan maaari silang maging malikhain at masaya.

Magkakaroon din sila ng hindi malilimutang karanasan. Ilan sa mga ito ay ang paglikha ng mobile o computer games, robotics at mga kanta upang matandaan ang paksang itinuturo sa klasrum.

Bata man o matanda, napakarami sa ating bansa ang taas-noong ipinagmamalaki ang sariling sining at kultura sa kani-kanyang pamamaraan.

Ngunit, hindi dapat tumigil dito. Kailangan pa nating maipasa ang impluwensiya sa susunod na henerasyon upang magpatuloy pa ang ‘Filipino pride.’

Kaya naman, pinapayuhan natin ang mga paaralan na palaganapin pa ang pagtuturo ng sining. Para sa mga mag-aaral, ating tandaan na ang sukatan ng matatag na loob ay hindi naipakikita sa pisikal na kalakasan.

Ang pagkakaroon ng matatag na loob ay isang mamamayan na mapayapang lumalaban at matagumpay na nananalo sa anumang hirap na dumating sa daan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page