Nakaposas.. Lalaki binaril ng 2 riding-in-tandem

Isang hindi pa kilalang lalaki ang namatay matapos pagbabarilin ng dalawang riding-in-tandem habang ito’y nakaposas sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nakasuot ang biktima ng puting t-shirt at asul na shortpants nang madiskubre ng mga dumaraang motorista habang nakahandusay sa madilim na bahagi ng kalsada sa kahabaan ng Bankers Drive, Bankers Village 1, Bgy. 171, Bagumbong, bandang alas-11:00 ng gabi.
Nagtamo umano ng mga tama ng bala sa ulo ang biktima at nakaposas sa likod ng katawan ang kanyang mga kamay.
Sa pahayag sa pulisya ng Bankers Village security officer-in-charge na si Rene Ibanez, Sr., unang nakarinig ng mga putok ng baril ang mga residente sa naturang lugar at nang tingnan, napansin nila ang apat na lalaki habang sakay ng dalawang motorsiklo na mabilis na tumakas palabas ng gate ng village.
Narekober ng rumespondeng mga pulis sa jacket ng biktima ang ilang piraso ng alahas at sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu habang ang apat na basyo ng bala ay natagpuan din sa crime scene.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na hindi umano residente sa naturang lugar at ang posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.





Comments