Pagkuha ng driver's license, hinigpitan para iwas-kamote driver
- Bong Revilla
- Feb 24, 2020
- 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
“Kamote driver” — ito ang bagong tawag ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at ilang mga broadcaster sa mga pasaway at kulang sa kaalaman na mga tsuper pero nagmamaneho ng legal sa mga kalye.
Nabuo ang katawagang ito dahil kapag nahuli ang mga ganitong driver ay “kamot, eh!” o agad na nagkakamot at nawawala ang yabang, pero kapag hindi pa nahuhuli ay tila sila ang may-ari ng kalye kung magmaneho.
Maliwanag na hindi nanggaling sa inyong lingkod ang katawagang ‘kamote driver’ na kasalukuyan nang ginagamit ng marami dahil sa napakarami na ng mga ito na isa sa mga sanhi ng aksidente at pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Lumalabas na ang mga “kamote driver” ay nakakuha ng lisensiya kahit hindi pa gaanong maayos ang pagmamaneho na posibleng dumaan lamang sa fixer o nagpagawa ng pekeng lisensiya sa “Recto University”.
Meron namang mga mayayamang amo na sa halip na kumuha ng mga totoong professional na driver ay pinapupunta ng Maynila ang kanilang mga kaanak na walang trabaho at tuturuan lamang ng kung sinu-sino na magmaneho.
Makaraan ang ilang araw ay ipalalakad ang lisensiya kay ‘kumpare’ kaya kahit hindi alam ang mga traffic sign ay sasampa na sa manibela at ang resulta, puro kapalpakan sa pagmamaneho at isa sila sa mga tinatawag na kamote driver.
Pero ngayon ay kumilos na ang LTO, dahil kailangan nang sumailalim sa 15 hours training sa alinmang accredited driving school ang aplikante bago ito maisyuhan ng student driver’s license na puwede lamang gamitin kapag may kasamang professional driver.
Ang paghihigpit umano ng LTO ay para madisiplina ang mga aplikante sa pagmamaneho at matutunan ang batas at patakaran hinggil sa Transportation Laws na marami sa mga lisensiyadong drayber ang hindi alam.
Makaraan ang isang buwan nang pagkakaroon ng student driver’s license ay maaari nang makakuha ng non-professional driver’s license ang aplikante at inaasahang hihigpit ang drug test.
Kung nais na magkaroon ng professional driver’s license ay kailangang umabot sa limang buwan ang student driver’s license at dagdag-requirements na ang NBI at Police clearance maliban pa sa actual driving test.
Ang aksiyong ito ng LTO ay nagbunsod bunga ng ulat ng MMDA na may 12,000 drivers sa Metro Manila ay may minimum na tatlong traffic violations sa kalsada.
Ang ulat na ito ay base lamang sa mga nasakoteng tsuper na may legal na lisensiya at hindi pa kabilang dito ang mga tsuper na gumagamit ng ‘talahib’ o pekeng lisensiya at pekeng violation ticket na murang-mura nilang nabibili.
Kaya akmang-akma rito ang isinumite nating panukalang-batas (SBN-451) na Teaching of Basic Road Safety and Comprehensive Drivers Education as part of K to 12 Program.
Dapat maituro sa murang edad ang tamang pagmamaneho at alituntunin para taglay nila ito hanggang sa kanilang paglaki at hindi kung kailan may edad na ay saka pa lamang mag-aaral magmaneho.
Sa panig ng LTO ay maganda ang kanilang layunin, kaso napakamahal ng mga driving school. Sino ba ang magbabayad nito? Baka pagmulan na naman ito ng korupsiyon dahil kung hindi kaya ng aplikante ang bayad sa driving school ay tatakbo na naman ito sa ‘Recto University’ para makakuha ng certification?
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments