P806-M intel fund ng PNP kontra mga pulis na sangkot sa droga, wa’ palang kuwenta
- Pabs Hernandez III
- Feb 24, 2020
- 2 min read
COL. ESPENIDO, RUMESBAK KINA GEN. GAMBOA AT SEN. DELA ROSA —Rumesbak si Lt. Col. Jovie Espenido, “poster boy” ni P-Duterte sa “drug war” sa sinabi nina PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa at Sen. Ronald dela Rosa na tumigil siya sa kadadaldal na “failure of intelligence” ng Philippine National Police (PNP) ang sanhi kaya siya nasangkot sa ilegal na droga kasi may karapatan daw siyang linisin ang kanyang pangalan na idinawit sa ilegal na droga.
Kung totoong sablay sa intel operations ang PNP, aba, tanggalin na ang pagkalaki-laking P806 milyong intel fund nila kasi palpak pala ang ginagawa nilang paniniktik sa mga parak na sangkot sa ilegal na droga, boom!
◘◘◘
MAY CAMPAIGN VS. JUETENG, PERO SA MASIAO, SUERTES AT EZ-2 BOOKIES, WALA! — Nagbabala si Gen. Gamboa sa mga PNP-regional commander na sibak sila sa puwesto kapag sa loob ng isang linggo, hindi napatigil ang jueteng sa kanilang mga jurisdiction.
Aba, teka, bakit jueteng lang sa Luzon ang target at hindi kasama ang masiao, suertes at EZ-2 bookies sa Visayas at Mindanao?
Dahil sa direktibang ‘yan ni Gen. Gamboa, kakaba-kaba ang mga regional commander sa Luzon pero pakuya-kuyakoy lang ang mga regional commander sa Visayas at Mindanao kahit na talamak ang masiao, suertes at EZ-2 bookies sa kanilang mga nasasakupan, buwisit!
◘◘◘
MAKAKAYA BANG SIBAKIN NI GEN. GAMBOA ANG TAGA-DAVAO CITY NA SI PNP-REGION 4-A GEN. DANAO? — Sinalakay ng tropa ni Col. Jay Dimaandal ng PNP-CIDG-Anti Organized Crime Unit ang pa-jueteng nina “Ariza” at “Carling” sa Alfonso at Tagaytay City, kapwa sa Cavite at 17 kubrador ang kanilang naaresto.
Ang tanong: Kaya bang sibakin ni Gen. Gamboa ang may sakop sa Cavite na si PNP-Region 4-A Commander Gen. Vicente Danao, Jr. na taga-Davao City? Abangan!
◘◘◘
MAY BABALA NA SI GEN. GAMBOA, PERO JUETENG SA BATANGAS, TULOY PA RIN! — Tuloy pa rin daw ang pa-jueteng nina “Ana Tomboy”, “Lescano”, “Icano” at “Macoy” sa Lipa City, “Gary” sa Tuy”, “Biskotso” sa Tanauan City at “Reyes” at “Venir” sa buong Batangas.
Ganu’n? May babala na si Gen. Gamboa pero tuloy pa rin ang raket nila sa Batangas? Siyanga pala, ang may jurisdiction din sa Batangas ay si Gen. Danao, boom!





Comments