Navarrete, pinasuko si Pinoy Santisima sa WBO Superbantam

Napanatili ni World Boxing Organization (WBO) super-bantamweight champion Emanuel “Vaquero” Navarrete ang kanyang titulo matapos pasukuin si Filipino challenger Jeo “Santino” Santisima, kahapon sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos.
Sinubukang lumaban hanggang dulo ng 23-anyos na ALA boxer na si Santisima, ngunit hindi naging sapat ang kanyang tibay sa mababagsik na kamao ni Navarrette nang ihinto ni referee Russel Mora ang laban sa nalalabing 2:20 minuto ng 11th round.
Matagumpay na naipagtanggol ni Navarrete (31-1, 27Kos) ang kanyang 122-lb titulo sa ika-5 pagkakataon, habang pinutol nito ang 17-game winning streak ni Santisima (19-3, 16KOs).
Nagsimula sa malalakas na body punches ang pagpapahirap kay Santisima sa 11th round, na sinundan ng malulutong na suntok mula sa kaliwa’t kanang atake na nagdala kay Santisima na mapabagsak sa nalalabing isang minuto ng naturang round.
“My right hand is hurting but I need to finish the fight,” wika ni Navarrete sa panayam sa kanya matapos ang laban. “I’m excited to fight in Las Vegas, and I had a very tough opponent in Santisima,” dagdag nito.
Tila nagbabadya ang Mexican boxer na umangat ng weight division dahil na rin sa kahirapan na nitong makuha ang kanyang timbang na 122-pound limit.
Nagawa na ring magparamdam nito na nais niyang umakyat sa featherweight class at doon subukan ang kanyang galing at tikas laban sa mga kampeon ng dibisyon tulad nina International Boxing Federation (IBF) Josh Harrington, World Boxing Association (WBA) Leo Santa Cruz, World Boxing Council (WBC) Gary Russell Jr at WBO Shakur Stevenson.





Comments