Lascuna, isa sa 35 astig na parbusters sa AGTQS Final
- Eddie M. Paez, Jr.
- Feb 24, 2020
- 1 min read

Tila hindi inaabutan ng pagtakbo ng panahon ang batikang Pinoy golfer na si Antonio Lascuna matapos itong mapabilang sa 35 na matitikas na parbusters na namayagpag sa malupit na Asian Golf Tour Qualifying School Final Stage sa palaruan ng Lake View Resort and Golf Club ng Thailand.
Ang kanyang pagsampa sa pang-17 posisyon ay nangangahulugang pasok na siya sa prestihiyosong Tour na nilalahukan ng mga bigating golfers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig. Kasosyo niya sa posisyon ang limang iba pang manlalaro.
Kamakailan ay nagmamarka si Lascuna, 49-anyos sa mga sinasalihan niyang paligsahan. Siya ay naghari sa 2019 Nan Pao Professional Golfers Association of Taiwan at sa ICTSI South Pacific Classic.
Sa Thailand, inipon niya ang linyang 72-69-68-70-68 pagkatapos ng limang araw ng bakbakan para sa kabuuang kartadang 8-under-par 347 strokes na naging sapat na para sa isang upuan sa malupit na Asian Tour.
Malayo ang narating ni Lascuna sa torneo dahil mahigit 200 golfers ang sumulpot sa Round 1 at nag-ambisyon na makapasok sa prestihiyosong tour pero 35 na lang ang natitira. Sa round 4, kasama pa niya ang mga kababayang sina Ira Alido (4-under-par 351; 40th) at Justin Quilban (even par 355; 62nd) pero kinapos sila sa tatag sa huling yugto. Si Benjamin Follett Smith ang nagkampeon sa torneo dala ang 15-under-par iskor na 340 strokes.





Comments