top of page
Pokwang.jpg

Gilas tinambakan ang Indonesia, Ravena, Liano at Perez, bumida

Alvin Olivar
Feb 24, 2020
1 min read

Tinalo ng Gilas Pilipinas ang Indonesia, 100-70, kagabi sa pagsisimula ng kampanya ng koponan sa FIBA Asia Cup qualifiers sa laro na ginanap sa Britama Arena sa Jakarta.

Nanguna si Thirdy Ravena sa atake ng Gilas Pilipinas pagkaraang gumawa ng 23 points at 8 rebounds para sa koponan upang makuha ang 1-0 na kartada sa Group A ng kumpetisyon. Isang 12-0 run ang nagpalayo sa Gilas Pilipinas kontra sa Indonesia sa larong naging dikit sa unang tatlong quarter ng laro. Isang tres ang binuslo ni Ravena habang nagpaulan din ng tres si Juan Gomez De Liano upang magtala ng 67-51 na abanse ang Gilas Pilipinas.

Itinuloy ng Gilas Pilipinas ang kanilang dominasyon sa fourth quarter matapos magtala ng 33 points para sa koponan upang makuha ang 30 puntos na panalo kontra sa Indonesia na bumaba sa 0-2 sa torneo. Gumawa ng 16 points si Roger Pogoy habang 11 points ang ginawa ni CJ Perez. Tig-10 points ang ginawa ni Kiefer Ravena at Juan Gomez De Liano para sa Gilas.

Bago ang kumpetisyon ay inaasahan ni interim coach Mark Dickel na magiging dikit ang laban at ito nga ang nangyari matapos makakuha lamang ng 55-51 na kalamangan ang Gilas Pilipinas sa third quarter bago ito umarangkada.

Bago ang laro ay nagkaaberya rin ang Gilas Pilipinas matapos hindi makapag-ensayo noong Sabado dahil sa nararanasang pag-ulan sa Jakarta na naging sanhi ng baha sa labas ng kanilang hotel.

Ngunit, hindi ito alintana ng Gilas Pilipinas at nagpamalas sila ng husay sa harap ng mga Pinoy fans na nanood ng laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page