Dahilan kaya niraraspa agad ang buntis na nakunan
- Shane Ludovice
- Feb 24, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Kapag nakunan ba ang nagdalantao, kailangan bang raspahin ito, agad-agad? Paano ba ginagawa ito? - Len
Sagot Ang raspa o dilatation and curettage (D&C), ay isang pamamaraan na isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matris. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matris tulad ng sobrang pagdurugo o kaya naman ay malinis ang loob ng matris pagkatapos malaglag ang ipinagbubuntis. Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na kung tawagin ay curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).

Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumaranas ng kondisyon sa kanyang matris. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matris, kung dumadanas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer. Isinasagawa rin ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matris matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo.
Paano isinasagawa ang raspa?
Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng doktor. Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal nang 15 hanggang 30 minuto. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matris upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman. Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.
Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matris tulad ng kanser, pagtubo ng mga polyps at pangangapal ng mga gilid ng matris. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ang ipinagbubuntis.




Comments