Huli sa kama.. Pulis, binaril ng karibal sa GF

Tila dobleng kamalasan ang inabot ng isang police officer nang mabaril sa hita ng lalaking inabutan niyang katabi sa higaan ng kanyang nobya sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling-araw.
Nasa stable condition naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang sugatang si P/Chief Master Sgt. Edgardo Balabay, nakatalaga sa Manila Police District-Station 7 sa J. Abad Santos Avenue, Tondo.
Kinilala naman ang suspek sa pamamaril na si Geraldo Millares, driver, may live-in partner at residente ng Rawis St., Tondo. Alas-5:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Rawis St., Road 10, sakop ng Bgy. 123, Tondo.
Sa impormasyon, ang biktima ay nagtungo sa bahay ng nobya na sinasabing live-in partner nito subalit, nasorpresa nang datnan umanong katabi sa pagtulog ang suspek na residente rin ng Rawis St.
Sa pagkabigla at galit na naramdaman ay binunot ang baril at tinangkang paputukan si Millares subalit, nagmintis ito at hindi na nakaputok pa ang pulis dahil nakakuha ng pagkakataon ang huli na maagaw sa kanya ang baril at sa kanya ito ipinutok, bago tumakas.





Comments