Drayber ng dyip na todo-ML habang nagmamaneho, hanap-aksidente!
- Ryan B. Sison
- Feb 23, 2020
- 2 min read

“Mobile Legends (ML) is life.”
Ito na yata ang motto ng ilan, kaya naman kahit saan ka lumingon o pumunta, halos hindi nawawalan ng kabataan o indibidwal na naglalaro ng mobile game na ito.
Kamakailan, nag-viral ang video ng jeepney driver na naispatang naglalaro ng Mobile Legends habang pumapasada.
Makikita sa video na hawak-hawak ng tsuper ang cellphone habang nasa ibabaw ng manibela ang mga kamay.
At base sa video, tila sanay na sanay ang drayber na pagsabayin ang pagmamaneho at paglalaro.
Ikinabahala ng Land Transportation Office (LTO) ang viral video na ito dahil ayon kay Deputy Director ng LTO Law Enforcement Unit Roberto Valera, mawala lang nang ilang segundo ang paningin ng driver sa kalsada, maaari itong magresulta sa aksidente.
Bagama’t, natunton na ang jeep ng tsuper, hindi pa rin nagpapakita ang mismong driver kahit may show-cause order na ang LTO.
Ayon kay Valera, suspendido ang lisensiya ng tsuper at plano rin nilang i-revoke ang lisensiya.
Umani naman ng batikos ang driver mula sa mga netizen, kaya maraming humihiling na matanggalan sana ito ng lisensiya dahil tila wala itong pakialam sa kaligtasan ng mga pasahero at iba pang nasa kalsada.
Ganitong mga klase ng tsuper ang dahilan kung bakit hindi maubus-ubos ang mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng PUV drivers.
Bukod sa bawal ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, maaari pa itong maging sanhi ng disgrasya at ang masaklap ay madamay pa ang mga inosenteng pasahero.
Nakadidismaya lang dahil kahit paulit-ulit nang ipinaaalala ng mga awtoridad na ‘wag mag-cellphone habang nagmamaneho, hindi pa rin nawawala ang mga pasaway na tsuper.
Panawagan sa mga awtoridad, siguradong marami pa riyan ang patuloy na lumalabag sa batas at sakit sa ulo kaya sana, maaksiyunan din ito at hindi lang ‘yung mga nagba-viral sa social media.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments