top of page

Computation sa pagkuha ng sickness benefit

  • Buti Na Lang May SSS
  • Feb 23, 2020
  • 3 min read

Dear SSS, Magandang araw! Nais kong itanong kung paano kino-compute ang SSS sickness benefit? Maraming salamat! - Leah

Sagot Mabuting araw, Leah! Para sa iyong kaalaman, ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan.

Ibinibigay ito sa kuwalipikadong miyembro kasama ang mga employed, self-employed, voluntary at overseas Filipino workers (OFWs). Dapat nakapaghulog siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan.

Para sa mga empleyado, kinakailangan ding nagamit na niya ang lahat ng kanyang company sick leave. Napakahalaga lamang na tandaan ang 10-day notification period kung saan kinakailangan ng employed member na siya ay makapag-notify sa kanyang employer sa unang araw ng kanyang pagkakasakit. Gayundin, binibigyan ang mga employers ng karagdagang limang araw upang ipagbigay-alam ang pagkakasakit ng kanyang empleyado sa SSS. Kung sakaling maantala ang pag-notify ng empleyado sa employer at ng employer sa SSS, may kaukulang pagbabawas sa maaaprubahang bilang ng araw ng pagkakasakit ng empleyado.

Maaari namang mapagkalooban ang isang miyembro ng benepisyo sa pagkakasakit ng hanggang 120 araw sa loob ng isang taon at karagdagang 120 araw sa susunod na taon kung magpapatuloy ang dating sakit.

Gayunman, kung ang pagkakasakit ay tatagal ng higit pa sa 240 araw, siya ay maaari nang mag-apply sa ilalim ng SSS Disability Benefit.

Ganito kinukuwenta ang halaga ng sickness benefit. Una, alamin ang semestre ng pagkakasakit. Ang isang semestre ay ang dalawang magkasunod na quarter na nagtatapos sa quarter ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ito ay nagtatapos sa buwan ng Marso, Hunyo, Setyembre o Disyembre.

Ikalawa, alamin ang huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan.

Ikatlo, alamin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit sa loob ng nasabing 12 buwan. Ang monthly salary credit ang batayan ng halaga ng benepisyong tatanggapin ng miyembro sa SSS.

Ikaapat, sumahin ang anim na pinakamataas na salary credit upang makuha ang total monthly salary credit. Kailangang i-divide ito sa 180 days upang makuha ang average daily salary credit saka i-multiply sa 90% para makuha ang daily sickness allowance. Kung anuman ang suma nito ay ang karampatang halaga ng benepisyo o daily sickness allowance ng miyembro batay sa inaprubahang bilang ng mga araw ng kanyang pagkakasakit.

Halimbawa, nagkasakit ang isang miyembro ng pitong araw nitong Pebrero, 2020. Ang semester ng kanyang pagkakasakit ay mula Oktubre, 2019 hanggang Marso, 2020. Ang huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay mula Enero hanggang Disyembre, 2019. Ipagpalagay nating ang anim na pinakamataas na monthly salary credit ay P16,000 bawat isa.

Samakatwid, ang kabuuang monthly salary credit ay P96, 000 at may average daily salary credit na P533.33. Ang 90% ng kanyang average daily salary credit ay P480. Ito ang kanyang daily sickness allowance. I-multiply ang daily sickness allowance o P480 sa pitong araw at ang lalabas na halaga ay P3,353.

Ito ang kabuuang benepisyo sa pagkakasakit ng miyembro para sa pitong araw nitong Pebrero, 2020.

Batay sa inaprubahang batas na Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, ang maximum daily sickness allowance ay umaabot na sa P600 simula March 5, 2019 base sa maximum monthly salary credit na P20,000 noong Abril, 2019.

Dapat tandaan na ang bilang ng araw na bibigyan ng sickness benefit ay ang bilang ng araw na inaprubahan ng SSS dahil ito lang ang babayaran ng SSS sa employer. Malalaman ng employer kung para sa ilang araw naaprubahan ang sickness claim ng miyembro sa aprubadong sickness notification. Kaya matapos maipasa ng employer ang sickness notification sa SSS ay dapat balikan ng representative ng employer sa branch kung saan ito nai-file.

Kapag nakuha na ang aprubadong sickness notification, maaari nang ipauna ng employer ang benepisyo.

***

Patuloy naming ipinaaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang-pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon.

Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@ sss.gov.ph.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page