Trabaho lang, walang personalan; ABS-CBN, ‘wag tanggalan ng press freedom

Nangunguna sa pinakakontrobersiyal na usapin ngayon ang renewal of franchise ng ABS-CBN. Sa pagkakataong ito, marami ang nagtatanong kung ano ang posisyon ng inyong lingkod tungkol dito — tayo ay pabor na pabor.
Unang-una, ang malayang pamamahayag ay hindi kailanman dapat sinisikil. Bawat isa sa atin ay may karapatang magsalita at magpahayag ng ating saloobin.
Tayo ay nasa bansang malaya kaya pahalagahan natin ang karapatan ng bawat isa.
Ngayong Lunes, ika-24 ng Pebrero, sisimulan na sa Senado sa pangunguna ng Committee on Public Services ang usapin hinggil sa franchise renewal ng ABS-CBN sa pangunguna ni Sen. Grace Poe.
Ito ay sa kabila ng nakahaing gag order petition sa Korte Suprema na nagbabawal sa magkabilang panig na magsalita tungkol sa usapin.
Nais sana nating linawin na wala sa katwiran na sikilin ang karapatan o kalayaan ng tao o ng grupo dahil lang sa personal na usapin.
‘Ika nga ni Senator Nancy Binay, noong kasagsagan ng kontrobersiya ng kanyang pamilya at ng kanyang ama, naramdaman niyang naging hindi parehas ang trato sa kanila ng ABS-CBN.
Pero sinabi nitong hindi dahilan ang mga ganitong pangyayari upang panghimasukan at sikilin natin ang kalayaan sa pamamahayag.
Dapat, walang personalan. Trabaho lang.
At ang isa pang kahalagahan ng prangkisa ng Dos ay ang kapakanan ng mga kaawa-awang kawani na tiyak na malalagay sa alanganin kung biglang magsasara ang kanilang kumpanya dahil lang sa personal na galit ng ilan.
Isipin na lang natin na nasa 11,000 empleyado ang mawawalan ng hanapbuhay — ilang tao ang umaasa sa bawat isa sa kanila? Isipin sana natin ang puwedeng mangyari sa mga kababayan nating ito.
May mga komento tayong naririnig laban sa mga nagsusulong ng franchise renewal tulad ng “Takot ka lang mawalan ng trabaho kaya nagagalit ka kapag naipasara ang istasyon na ‘yan.”
Ang tanong — sino ang hindi takot mawalan ng trabaho? Sa panahon ngayon, kahit ‘yung mapepera ay nagrereklamo sa taas ng bilihin, hindi ba tayo matatakot na mawalan ng trabaho na siyang bumubuhay sa pamilya natin?
Natural talaga ang takot na ‘yun dahil ito lamang ang inaasahang pinagkakakitaan ng mga kawani ng ABS-CBN.
Aalisan ng trabaho ang 11,000 trabahador? Libu-libong palo rin ‘yan sa ating ekonomiya. Paniguradong matindi ang magiging epekto nito.
Bibigyang-diin lamang natin — sa usaping ito — ang prayoridad ng Kongreso ay ang sambayanan, hindi ang personal na isyu o ang personal na laban ng iilan. Maging makatarungan sana tayo.





Comments