Dasal para sa batas na inaabuso at binabaluktot ng mga nasa puwesto
- Fr. Robert P. Reyes
- Feb 22, 2020
- 3 min read
Ika-148 death anniversary ngayon ng tatlong pari na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora. Ito rin ang ika-43 anibersaryo ng pagkakatatag ng ‘Samahang Gomburza’ (1977) sa Loyola House of Studies at ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Samahang Lakas-Diwa.
At upang ipagdiwang ang makasaysayang pagkakatatag ng Lakas-Diwa, isinagawa noong Lunes, ika-17 ng Pebrero, 2020, ang paglulunsad ng librong “Soc Dem Narratives sa Commission on Human Rights” at mapalad tayong naimbitahang magdiwang ng misa bago ang mismong paglulunsad.
Kamakailan, nakadaupang-palad natin ang mga nakakasama natin sa mapayapang pakikibaka laban sa inhustisya mula noong dekada ‘70’s hanggang sa kasalukuyan. May edad na ang marami sa mga dumalo sa misa subalit, sa kabila ng pagtanda ng maraming naroroon, damang-dama pa rin ang tindi at sigla ng enerhiyang bumabalot sa buong kuwarto.
Mabuhay ang mga aktibistang rebolusyunaryong nag-alay ng talino, lakas, panahon, galing at yaman sa paglaban sa lahat ng uri ng inhustisya at katiwalian ng pamahalaan sa mga nagdaang panahon.
Makabuluhan ang nagdaang limang araw ng linggong ito. Nagsimula sa paggunita sa Gomburza at Lakas-Diwa noong Lunes at kahapon, Biyernes, ika-21 ng Pebrero, 2020, ginanap sa La Salle, Taft ang “International Forum on Lawfare, Weaponization of the Rule of Law (against Human Rights Defenders.)”
Ano ang ibig sabihin ng Weaponizing The Law o ang paggamit sa batas bilang sandata laban sa tao?
Una, mula nang magsimula ang naturang war on drugs, meron man o walang malinaw na batayan, tuluy-tuloy at sunud-sunod ang mga pagpatay sa naturang mga tulak at user ng ilegal na droga. Totoo man o hindi ay may naibabalitang nanlaban ang mga napatay sa mga naturang raid bilang pagtupad sa war on drugs ng kasalukuyang gobyerno.
Pangalawa, kauupo pa lamang ng pangulo ay pinayagan agad ng Korte Suprema na ilibing si ex-P-Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Bagama’t tinutulan ito ng ibang mamamayan, hindi napigil ang paglibing sa dating diktador.
Pangatlo, pagkatapos ng Marawi Siege, idineklara ang Martial Law sa buong Mindanao sa kabila ng kaduda-dudang kakulangan ng batayan upang gawin ito.
Pang-apat, ang pagsibak kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ginawa ito sa pamamagitan ng ‘quo warranto’ sa halip na tamang paraan ng Impeachment.
At ang pinakahuli, ganu’n na lamang ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas na walang anumang pinagdaanang legal na proseso ng deliberasyon at desisyon sa antas ng Senado.
Sa gitna ng madilim na pagbubusabos sa batas at paggamit dito bilang sandata laban sa katotohanan at katarungan, inialay natin ang panalangin sa naganap na Forum sa La Salle, Taft hinggil sa Weaponization of the Rule of Law: "Panginoon, ang Inyong batas ay aming gabay.
Subalit, higit dito, ipinagkaloob Ninyo ang Inyong espiritu upang tuparin hindi lang ang letra o titik ng batas kundi ang mismong espiritu nito. Para sa buhay ng tao at lahat ng Inyong nilikha ang batas, maging ang Inyong banal na batas at ang batas ng tao.
Tulungan Ninyo kaming ginigipit at tinatakot sa pamamagitan ng pagbabaluktot at maling paggamit sa batas ng mga nasa kapangyarihan ngayon. Ipadala po Ninyo ang mga matatapang, mapagsakripisyong tagapahayag at tagapagtanggol ng katotohanan.”
“Nawa’y huwag Ninyong ipahintulot na manaig ang kadiliman at karahasan ng mga sumisira at bumubusabos sa batas. Sa halip, tulungan Ninyong maghari ang katotohanan, katarungan at paninindigan ng mga magtatanggol sa batas maging sa dangal at karapatan ng bawat mamamayan. Amen.”





Comments