Pasaway na kabataan, dapat na ring makasuhan kung may ginawang krimen
- Korina Sanchez
- Feb 21, 2020
- 2 min read
Kamakailan, nag-viral ang kalokohan ng pitong kalalakihan kung saan ayon sa pulisya, lima sa mga ito ay menor-de-edad. Kitang-kita sa CCTV footage ang pagtatawanan na parang may pinaplano ang mga ito at ilang sandali ay makikitang isa sa mga ito ang nagsindi ng mga panindang lobo ng lalaki na sa mga oras na ‘yun ay natutulog.
Lumaki ang apoy dulot ng nagliyab na mga lobo. Nagising ang lalaki pero dahil nakatali ang mga lobo sa isang kamay nito, maging ang ilang bahagi ng katawan nito ay nasunog din.
Ang pitong kalalakihan ay nagtatakbo na tila tuwang-tuwa pa sa ginawang kalokohan.
Ano ang naisip nila para gawin ito, para magpasikat? Pinatutunayan ba nilang kaya nilang gawin ‘yun dahil may-‘back-up’ o isa sila sa mga siga sa lugar at walang makakapalag sa kanila?
Sabihin na nating hindi nila alam na nakatali pala sa tao ang mga lobo, hindi man lang ba nila inisip na naghahanapbuhay nang maayos ang tindero at malaking kawalan ang pagkasunog ng kaunting pinagkakakitaan nito?
Sabi sa isang panayam, ang akala raw ng isang bata ay sasabog lang ‘yun. Ganu’n? Anuman ang idahilan nila, wala tayong makitang tamang katwiran.
Gayunman, sumuko na kay Mayor Isko Moreno ang lima sa pitong kalalakihan — ang apat ay menor-de-edad kaya hindi sila masasampahan ng kaso habang ang isa ay 18-anyos kaya makakasuhan at maaari itong makulong. Samantala, dalawa ang pinaghahanap pa ng mga awtoridad.
Sentido-kumon lang talaga kung ang biro ay makasasakit o hindi — kung makaaapekto sa bibiruin o hindi. Ang biro o kalokohan na nagsasangkot ng apoy ay hindi nakakatawa.
Samantala, pinag-aaralan pa umano kung may pananagutan ang mga magulang ng mga menor-de-edad. Pero sa totoo lang, alam naman ng mga ito ang kanilang ginawa — alam nilang mali, pero ginawa pa rin.
Ang mga ganitong insidente na kinasasangkutan ng ilang menor-de-edad ang tila nagbibigay-katwiran na kailangan nang ibaba ang edad ng criminal responsibility sa kabataan.





Comments