top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mang inasal nilooban, vault tinangay

Janice Baricuatro
Feb 21, 2020
1 min read

Pinasok ng nasa limang kalalakihan na miyembro umano ng Bolt Cutter Gang ang isang branch ng Mang Inasal restoran at natangay ang vault dito na naglalaman ng malaking halaga, kahapon ng madaling-araw sa Crossing Silang Junction, Bgy. San Jose, Tagaytay City.

Personal na nagtungo sa pulisya si Efren Azurin, 23, restoran manager. Ayon sa salaysay nito, alas-6:45 ng umaga nang madiskubre ng dalawang empleyado ng Mang Inasal na sina Ferdinand Sampayan at Ginoa Ventinilla na nakabukas na ang main door ng nasabing establisimyento.

Inakala lamang umano nila na may nauna nang dumating na siyang nagbukas dito subalit, pagpasok nila ay nakita rin nilang nakabukas na ang managers’ office at nang silipin nila ito, rito nila nakita na magulo ang loob at wala na ang vault ng nasabing store.

Nakita sa CCTV footage ng store na alas-4:00 ng madaling-araw nang isang itim na SUV (ABP 3382) ang huminto sa tapat ng establisimyento at bumaba ang limang kalalakihan.

Pinagtulungang gupitin gamit ang Bolt cutter ang padlock ng main door at nang makapasok ay puwersahan ding sinira ang pinto ng opisina ng manager kung saan nakalagay ang vault na naglalaman ng P145,000 at tuluyan itong tinangay ng mga suspek.

Halos minuto lamang nang isagawa ng mga suspek ang pagnanakaw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page