Phl Squash Team, pasok sa final ng 6th Sea Cup
- Gerard Ace
- Feb 20, 2020
- 2 min read

Photo: Abs-cbn Sports
Muling nagpamalas ng angking bilis at tatag ang koponan ng Kayod Pilipinas National Squash team nang makapasok na sa final round ang dalawang koponan nito sa ginaganap na 6th Southeast Asian Cup SEA Squash championships sa Vajiravudh College sa Bangkok, Thailand.
Nauna nang nakapasok sa men’s Jumbo doubles ang tandem nina SEAG silver medalist Robert Garcia at David Pelino nang talunin nila ang duo nina Louis Boonsinsook at Natthakit Jivasuwan ng Thailand, 15-4, 15-14, habang sinundan din ito ng panalo mula kina Huzzaire Abang at Abang Safwan Kifrawi ng Brunei.
Wagi rin ang tambalan nina SEAG bronze medal winner Jemyca Aribado at Yvonne Ayssa Dalida laban sa samahan nina Nichanan Boonmark at Tuddaw Thamlonglarp ng Thailand, 15-9, 15-5, habang nakakuha ito ng isa pang panalo buhat sa isang bye at nakatakdang tapatan ang kombinasyon nina Nisa Nur Fadillah at Yaisha Putri Yasandi ng Indonesia. “Both our Kayod Pilipinas men’s and women’s are in the Jumbo Doubles event tomorrow. We are aiming for the gold medals, but most likely we’re sure of silver medals,” pahayag ni Philippine Squash Association (PSA) president Robert Bachmann sa panayam ng BULGAR sa social media.
Ang naturang event ay ginaganapan din ng tatlo pang laro kabilang ang men’s at women’s singles at mixed team event na kinabibilangan ng 3 kalalakihan at 2 kababaihan.
Lumalaban para sa men’s singles sina Garcia at Reymark Begornia, habang pumapalo sa women’s singles sina world ranked Aribado at Dalida.
Ipaparada ng Kayod Pilipinas ang kanilang SEA Games gold medal winning group na sina Garcia, Aribado, Begornia, Dalida at Christopher Buraga sa Sabado para sa Mixed Team event.
Kabilang sa mga lumahok sa 5-day squash tourney ay ang Brunei, Indonesia, Malaysia, Thailand at Pilipinas. Pansamantala namang hindi lumahok ang mga bansang Singapore at Myanmar sa taunang kumpetisyon.





Comments