Mister kinasuhan sa pambubugbog.. Misis pinatay

Wala ng buhay at duguan ang isang ginang nang matagpuan ng mga anak sa loob ng kanilang bahay matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang mister sa Bgy. Cablong, Sta. Barbara, Pangasinan.
Alas-3:00 ng madaling-araw nang makatanggap ang pulisya ng tawag sa pamilya ng biktima na kinilalang si Jennelyn Qumiang, 38, matapos matuklasan ang pagkamatay nito.
Bago matagpuan ang bangkay ng biktima, nagkaroon pa umano ito at ang kanyang asawang suspek na si Reynaldo Catungal Loresco, 40, ng pagtatalo at makalipas ang isang oras ay tumahimik.
Dito nagdesisyon ang kanilang mga anak na lumabas upang tingnan ang sitwasyon ng kanilang mga magulang subalit, tumambad sa kanila ang amang duguan at naghuhugas ng kamay saka umalis sakay ng motorsiklo.
Napag-alaman na paghihiganti ang nakikitang motibo sa krimen matapos sampahan ng biktima ang suspek ng kasong may kaugnayan sa paglabag sa Violence Against Women and their Children (VAWC) dahil sa pananakit nito.
Nabatid na bagama’t, nasampahan na ito ng kaso ay patuloy pa ring bumibisita ang suspek sa kanilang bahay.





Comments