top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Kabataan, bantayan sa nakamamatay na “skull breaker challenge”

  • Ryan B. Sison
  • Feb 20, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Napakarami nang prank at challenges ang nauuso ngayon sa social media na kadalasang nagmumula sa ibang bansa at ginagaya ng mga netizen, lalo na ng kabataan.

Ngunit, paano kung ang nakaaaliw at nakakatawang prank o challenge ay magresulta ng pagkamatay?

Ayon sa mga eksperto, maaaring mauwi sa seryosong pinsala sa katawan ang nauusong challenge ngayon sa socmed na “skull breaker prank”.

Ang naturang prank ay pinauso ng ilang teenager sa South Amerika na kailangang gawin ng tatlong tao kung saan unang tatalon sa kanilang kinatatayuan ang dalawang nasa magkabilang gilid at sasabihin sa nakatayo sa gitna na gayahin sila.

Kapag natapos ang dalawa, saka tatalon ang nasa gitna at bilang pang-good time, sisipain ng dalawa sa magkabilang binti ang nasa gitna kasabay ng pagtalon nito kaya ang resulta, matutumba nang pahiga o patagilid ang biktima.

Dahil dito, nagbabala ang mga eksperto na napakadelikado ng prank na ito dahil posibleng mabalian ng buto o mabagok ang ulo ng pina-prank.

Puwede ring magkaroon ng concussion o pagkaalog ng utak at head injury kaya maaaring mahilo o mawalan ng malay ang biktima.

Gayundin, maaari itong maging sanhi ng coma, internal bleeding at pagkamatay.

Samantala, ang prank na ito ang naging sanhi ng pagkamatay ng 16-anyos sa Brazil, gayundin, may isa pang naospital sa United States.

May ilang videos na kumalat sa socmed na gumawa ng challenge na ito kung saan tumama ang ulo ng isang kasali kaya nahirapang tumayo at meron ding nawalan ng malay.

Gayundin, kadalasang mga estudyanteng nasa paaralan ang gumagawa nito kaya maraming magulang ang nabahala.

Panawagan natin sa pamunuan ng paaralan, bantayan din ang mga estudyante dahil maaaring mapagkatuwaan itong gawin sa iskul.

Tayo namang mga magulang, i-monitor natin ang mga ginagawa ng ating mga anak dahil baka ‘yung akala nating laru-laro lang ay delikado na pala.

Mahalagang ipaunawa natin sa mga bata na hindi mapapalitan ng likes, comments at share ang buhay na maaaring mawala dahil sa prank na ito.

Wala pang napababalitang gumawa nito sa Pilipinas, pero sana ay magsilbi itong aral sa lahat na hindi lahat ng nakikita sa socmed ay dapat gayahin, lalo na kung maaari itong ikamatay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page