Sotto at Cayetano, bopols sa batas, sablay sa hirit na hindi maipasasara ang ABS-CBN
- Bobi Tiglao
- Feb 19, 2020
- 3 min read
Malinaw ang batas na ipinasa ng 9th Kongreso noong Marso 30, 1995, ang R.A. 7966 o “An act granting the ABS-CBN broadcasting corporation a franchise to construct, install, operate and maintain television and radio broadcasting stations in the Philippines, and for other purposes.”
Ayon sa Sec. 6. Term of Franchise. — “This franchise shall be for a term of twenty-five (25) years from the date of effectivity of this Act.” Sa madaling salita, ngayong taon ay matutuldukan na ito.
Kahit sabihin pang may “pending bills” o nakabimbing mungkahi sa Kongreso para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, wala rin itong epekto sa batas. Kung hindi mai-renew ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN bago ito mag-expire ngayong Marso 30, 2020, wala na itong karapatang manatili sa ere.
Ipinakita nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano kung gaano kahina ang kanilang kukote nang sabihin nilang maaari pang manatili ang ABS-CBN kahit wala itong bagong prangkisa. Wala bang mga researcher sina Sotto at Cayetano? Ang laki ng pondong ibinibigay sa kanila ng taumbayan, tapos hindi man lang nila mapag-aralan ang mga batas.
Ang istasyon ng radyo o telebisyon ay umaandar sa pamamagitan ng paggamit ng “frequency” na nasa ere. Limitado ‘yan, mahalaga at hindi basta ibinibigay sa kahit sino (lalo na sa mga dayuhan, ayon sa Konstitusyon).
Kapag walang nabigyan ng prangkisa, awtomatik na babalik sa gobyerno ang pag-aari ng mga “frequency” na ginagamit ng mga istasyon ng radyo at telebisyon para makapaglabas ng “signal” na makaaabot sa mga manonood.
Kahit pa may nakabimbing panukala sa Kongreso, hindi puwedeng magdesisyon sina Sotto at Cayetano at sabihing puwede pang mag-operate ang ABS-CBN kahit “expired” na ang lisensiya nito. Ano kayo, diktador?
Ang hina naman nilang dalawa. May ginawa nang ruling ang Korte Suprema sa isyu, halos dalawang dekada na ang nakararaan. Dapat binasa muna nila ang 2003 na desisyon ng korte sa kaso ng Associated Communications vs. National Telecommunications Commission (GR 144109) bago sila nagtatatalak.
Ang nagsulat pa ng desisyon ng Supreme Court ay si Justice Reynato Puno (na naging Chief Justice noong 2003). Sabi ng SC:
“Ilang taon na ring umiiral ang kalituhan sa mga pangyayari sa industriya ng brodkast dahilan na rin sa iba’t ibang batas, decrees, Executive Order at iba pang kautusan na lumabas noong panahon ng Martial Law.”
“Ang matinding tanong ay kung ang pag-operate ng radyo o telebisyon ay nangangailangan ng prangkisa mula sa Kongreso. Magdedesisyon na ang korte ngayon.”
Isinalaysay sa desisyon ang mahabang kasaysayan ng nakalipas na mga batas. Isa na rito ay ang dating awtoridad ng National Telecommunications Commissions (NTC) na mag-isyu ng permit sa mga brodkaster.
Pero ang kapangyarihang ito ng NTC ay may bisa lamang noong Martial Law. Noong wala nang ML, ang awtoridad ng pagbibigay ng prangkisa ay naibalik na sa Kongreso.
Kaya walang alam sa batas ang mga nagkakalat na puwedeng magbigay ng “provisional authority” ang NTC — wala nang Martial Law.
Dagdag pa ng Korte Suprema: Ang mga panawagan na tanggalin na ang requirement sa pagkuha ng prangkisa mula sa Kongreso ay nasa kamay na ng Kongreso… hangga’t hindi napapalitan ang batas, ang requirement na magkaroon ng prangkisa bago makapag-operate ng istasyon ng telebisyon ay nananatili.
Malinaw pa sa sikat ng araw ang sinabi ng Korte Suprema. Kaya sa staff ni Sotto, sabihan ninyo ang bossing ninyo na walang katuturan ang sinasabi niya na puwedeng bigyan ng NTC ng temporary permit ang ABS-CBN.
Wala ring saysay ang sinabi ni Cayetano na ang “consensus” sa Senado ay habang pinag-uusapan nila ang isyu ay walang rason para ipasara ang ABS-CBN.
Ilegal ito, G. Cayetano at Sotto. Hindi maaaring mag-operate ang ABS-CBN sa pamamagitan ng inyong “consensus” lamang o kahit pa maglabas kayo ng sangkatutak na “formal resolutions”.
Ang kailangan ay batas, ito ang sinabi ng Korte Suprema. Susuwayin ba ninyo ang Korte Suprema, bakit diktador ba kayo?





Comments