Seaman na hinarang ng kumpanya na humingi ng second opinion sa ibang doktor para makakuha ng benefit
- Persida Acosta
- Feb 19, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Ako ay seafarer na nagbabalak magsampa ng kaso upang makakuha ng aking disability benefits. Subalit, noong magso-solicit sana ako ng pangalawang opinyon mula sa ibang doktor upang suriin kung tama ba ang naging pagsusuri at findings ng company physician, sinabihan ako ng representative ng kumpanya na dahil sa kawalan ng malisya o bad faith ay hindi na raw ako maaari pang mag-solicit ng pangalawa pang opinyon tungkol sa aking kalagayan. Tama ba ito? - Carmelo
Dear Carmelo, Ayon sa 2010 POEA- SEC o mas kilala sa tawag na “Standard Terms or Conditions Governing the Overseas Employment of Filipino Seafarers On-Board Ocean Going Ships,” hindi kinakailangan ng malisya o masamang intensiyon sa parte ng kumpanya na nagbigay ng unang medical opinion bago pa man maaaring manghingi ng ikalawang opinyon ang seafarer tungkol sa naunang pagsusuri sa kanya.
Sa katunayan, sa isang kaso kung saan sinabi ng Labor Arbiter na dapat mayroon munang malisya o masamang intensiyon sa parte ng kumpanya bago pa man maaaring makahingi ng pangalawang opinyon ang seafarer, pinabulaanan ng Korte Suprema ang Labor Arbiter sa Magsaysay Mitsui Osk Marine, Inc. vs. Buenaventura (G.R. No. 195878, January 10, 2018), sulat ni Honorable former Associate Justice/incumbent Ombudsman Samuel Martires, na walang basehan ang sinabi nito, viz: “Thus, if the reasoning of the labor tribunals were to be adopted, the options available to seafarers would be restricted as they could only challenge the findings of the company-designated physician if there was malice or bad faith. Under the POEA-SEC, the presence of bad faith or malice on the part of company-designated physicians is not required before a seafarer may seek the opinion of another doctor.” (Binigyang-diin)
Yamang ang presensiya o kawalan ng malisya o masamang motibo ay hindi kondisyon sa karapatan ng seafarer na manghingi ng pangalawang medical opinion, malinaw na walang basehan ang naturang opinyon ng kinatawan ng kumpanyang dati mong pinagtatrabahuhan tungkol sa naturang kondisyon bago maka-solicit ng ikalawang medical opinion.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments