Mas mabigat na parusa sa child abuse, lusot na

Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang pabigatin ang parusa laban sa pang-aabuso at diskriminasyon sa mga bata.
Nasa 228 kongresista ang pumabor at walang tumutol sa House Bill 137 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Naniniwala si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, chairperson ng House Committee on Welfare of Children, na ang pagpapatibay ng panukala ay magiging daan upang wala ng maging palusot at maparusahan ang mga umaabuso sa mga bata.
Sa ilalim ng panukala, itataas sa hanggang 17 taong pagkakapiit sa mga sangkot sa produksiyon ng malalaswang babasahin o palabas at kung gagamitin ang bata bilang performer, papatawan ng reclusion perpetua ang nagbebenta o distributor. Hanggang 20 taon kulong naman ang parusa sa guardian ng bata na papayag o magtutulak na gumawa ng malaswang palabas ang menor-de-edad.
Hindi naman bababa sa isang taon hanggang anim na taon na mapipiit bukod pa sa multang P100,000 hanggang P300,000 ang sangkot sa child labor practices.
Kung ang bata ay pinagtrabaho sa mapanganib na lugar, maparurusahan ng hindi bababa sa P200,000 na multa hanggang isang milyong piso o kulong na 12 taon hanggang 20 taon. Kapag nagkaroon naman ng diskriminasyon sa mga bata ng indigenous cultural communities, dalawang taon hanggang apat na taon ang kulong at P50,000-P100,000 ang multa.





Comments