top of page
Pokwang.jpg

Kabataan, spoiled, bawal kasuhan kaya nagiging kriminal

Ryan B. Sison
Feb 18, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Sapak, suntok at sabunot ang inabot ng 15-anyos sa kamay ng kapwa menor-de-edad sa Taguig City.

Sa kumalat na cellphone video, makikitang pinagtutulungang bugbugin ng tatlong babaeng menor-de-edad ang biktima.

Tuwang-tuwa pa ang kumukuha ng video habang inutusan pa nito ang kasama na iuntog ang biktima.

Sa pahayag ng biktima, nagulat na lang siya nang biglang komprontahin ng grupo saka binugbog.

Matapos ipa-blotter ng biktima ang grupo, binalikan naman ang kanyang mga kasamahan at ninakawan pa.

Gayundin, nagsama pa ng dalawa ang grupo na nanguna sa pambubugbog.

Kamakailan naman, nawalan ng paninda at nagtamo ng mga paso at sugat ang tindero ng lobo matapos mapagtripan ng ilang kabataan. Ayon sa pulisya, lima sa pitong kabataan ang menor-de-edad.

Samantala, may nakita rin kaming post sa social media hinggil sa isang batang kalye na nasa edad 10 hanggang 12 na sumakay sa jeep at biglang nanuntok ng pasahero.

Sa totoo lang, tila malakas ang loob ng kabataan na manakit o gumawa ng krimen dahil alam nilang pinoprotektahan sila ng batas.

Ngunit, paano kung ang pinoprotektahan ng batas ang mismong nanakit, nang-abuso at nagiging dahilan ng pagdami ng krimen?

Para sa kinauukulan, ano ang plano ninyo sa mga batang ito?

Nauunawaan nating pinoprotektahan ninyo sila, pero paano naman ang mga naaagrabiyado at napeperhuwisyo?

Kung hindi pa ito aaksiyunan ngayon, paano pa sa mga susunod na taon?

Kaya ba nating sikmurain na maging laman ng balita ang kabataang nananakit, nanti-trip ng naghahanapbuhay at nasasangkot sa mga krimen?

Nakalulungkot lang dahil gusto nating mamuhay sa ligtas na paligid, pero hindi ito ang nangyayari.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page