De-kalidad na edukasyon para sa mga batang may kapansanan, isinusulong

Walang bata ang dapat pagkaitan ng karapatan para sa de-kalidad na edukasyon. Noong alkalde pa ako ng Valenzuela, ito na ang pinaniniwalaan ng inyong abang-lingkod.
Naniniwala tayo na ang libre at de-kalidad na edukasyon ay para sa lahat — para walang batang mapag-iiwanan at hindi dapat maging hadlang anuman ang kanilang katayuan sa buhay o may kapansanan man.
Ang hamon ngayon sa mga pampublikong paaralan ay solusyunan ang kakulangan ng pondo at gamit para sa Special Education o SPED nang sa gayun ay maipagkaloob natin ang pag-aaruga at pagsubaybay sa mga mag-aaral na may special needs.
Isa sa pito o 5.1 milyong kabataang Pinoy sa buong bansa ang mayroong kapansanan, base sa ulat ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ayon naman sa research ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, ang pagkakaroon ng mga pasilidad, imprastruktura at transportasyon ay nananatili pa ring malaking hamon sa persons with disabilities (PWDs).
Bukod pa rito, ayon sa Basic Education Sector Transformation (BEST) Program, nasa 84 porsiyento ng mga munisipalidad sa Pilipinas ang wala pang mga Special Education (SPED) center.
Para sa kaalaman nating lahat, ang BEST ay programa ng gobyerno ng Pilipinas at Australia na may hangaring gawing de-kalidad ang edukasyon sa kani-kanyang bansa.
Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na mayroong 648 na paaralan at SPED Centers sa buong bansa sa kasalukuyan.
Sa 648 na ito, 471 ang para sa elementarya habang 177 naman ang para sa high school.
Kaya isinusulong natin sa Senado ngayon ang pagtataguyod ng mga pampublikong SPED o Inclusive Education Learning Resource Centers sa pamamagitan ng Senate Bill No. 171 o Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act. Binibigyang-diin nito ang pangangailangan ng sapat na pondo para sa mga kagamitan para sa mga tinaguriang SPED teacher at SPED student.
Ang Inclusive Education ay isang sistema o set-up kung saan puwedeng pagsamahin ang parehong non-SPED at SPED students para sabay na ituro ang curriculum.
Sa panukalang ito, maipatatayo ang mga SPED center sa mga lugar na nangangailangan nito. Maibibigay natin sa kabataang may kapansanan ang uri at kalidad ng edukasyon na angkop sa kanilang mga pangangailangan.
Layunin din ng ating panukala na magsagawa ng mga training program na makapagpapataas ng kamalayan tungkol sa kapansanan at inklusibong edukasyon para sa mga guro, school administrator, non-teaching personnel at mga magulang.
Naniniwala ang inyong lingkod na ang abot-kaya at de-kalidad na edukasyon ang daan para mabigyan ng oportunidad at pag-asa ang ating kabataan na may kapansanan.
Kaya mahalaga na masiguro nating may sapat na kagamitan ang bawat SPED center at may sapat na kakayahan ang mga taong nagpapatupad ng programang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments