OFWs sa China, hindi sa COVID-19 takot kundi magutom sa Pilipinas

Kung may mga overseas Filipino worker (OFW) na dali-daling umuwi sa Pilipinas dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pinagtatrabahuhang bansa, may ilang hindi natitinag at naninindigang hindi aalis dahil mas takot silang magutom ang kanilang pamilya kesa mahawa sa virus.
Mula nang magkaroon ng outbreak sa China, minabuti ng ilang OFWs na manatili na lang doon kesa umuwi at magdala ng virus sa Pilipinas.
Kamakailan, umabot na sa mahigit 1,400 ang naitalang nasawi sa naturang virus at sa kabila nito, nananatiling malakas ang loob ng mga Igorot na nagtatrabaho sa China.
Kuwento ng isang OFW, pinagsisikapan ng mga ito na palakasin ang kanilang resistensiya para makaiwas sa virus kaya maganda pa rin ang kalusugan nila dahil sa pagkonsumo ng masusustansiyang pagkain.
Isa rin sa mga diskarte ng mga gurong OFW ang magturo online, gayundin, ang hindi paglabas ng bahay kahit holiday para maprotektahan ang sarili.
Dagdag pa rito, malaki umano ang suportang inilalaan ng pamahalaan ng China para sa mga OFW.
Nakatutuwa dahil silang naroon mismo sa China ay hindi napapagod makipagsapalaran at dumiskarte para hindi maapektuhan ang kanilang hanapbuhay.
Kaya naman, tayong mga nasa Pilipinas, ‘wag tayong OA at nega dahil hindi ito nakatutulong. Hindi ba, nakatutuwa na kitang-kita ang ugaling Pinoy na pagiging madiskarte?
Kesa magpakanega, maniwala tayong hindi maaapektuhan ang mga kababayan nating pinipiling kumayod kesa magpalamon sa takot na baka mahawahan ng sakit.
Hindi natin kontrolado ang mga nangyayari sa ibang bansa, kaya ang tangi nating magagawa ay sabayan ng pagdarasal ang pag-iingat na ginagawa ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments