Lifetime Validity ng Birth Certificate, pagbaba ng retirement age sa 56-anyos at iba pa, isinusulong

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Bilang chairman ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, nakatakda ang inyong lingkod na magsagawa ng public hearing ngayong araw sa Senado na dadaluhan ng mga senador at resource persons.
Isa sa mga nais nating matalakay ay ang lifetime validity ng birth certificate, tatlo sa mga kasama kong senador ang nagsumite ng iba’t ibang panukalang- batas, ngunit, may pagkakahawig at kaugnayan sa isa’t isa kaya dapat nang maresolba.
Makabubuti kung mabilis na mareresolba ang mga opinyon ng mga senador upang tuluyan nang maging batas na habambuhay na ang bisa ng birth certificate hindi tulad ngayon na kaunting kibot ay kailangang kumuha ng bagong kopya sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Umaabot ng P155 bawat kopya ng birth certificate mula sa PSA na bagama’t hindi gaanong kamahalan, napakalaking abala naman para sa ating mga kababayan na pumipila nang mahaba para makakuha nito.
Matatalakay din ang Augmenting the employee benefits for the solicitors of the Office of the Solicitor General (OSG) kung saan nagpasa tayo ng panukalang-batas na magkaroon na ng retirement, death at survivorship benefits na may kaukulang pondo.
Nagsumite rin ng kahalintulad na panukala ang ilan sa mga senador kaya inaasahang magkakaroon ng palitan ng kuru-kuro at opinyon na tiyak na hahantong sa mabuting katapusan para maisabatas na ang dagdag-benepisyo para sa mga manggagawa ng OSG.
Gayundin, matatalakay ngayon ang panukalang-batas na (SB No. 1259) An act creating new positions for teaching personnel in the public basic education system, revising the qualification standards thereof and appropriating funds therefor.
Magkakaroon ng panibagong mga posisyon para sa mga pampublikong guro at babaguhin ang mga pamantayan para higit na mas maraming guro ang mabigyan ng trabaho at makinabang sakaling maging batas ito at mabigyan ng kaukulang pondo.
Kasama sa pagdinig ang Lowering the mandatory and optional retirement age of government employees, amending Republic Act No. 8291 otherwise known as the GSIS Law.
Kaya pupursigihin natin ang panukalang-batas na (SB No. 72) o ang An act lowering the mandatory and optional retirement age of government employees, amending for this purposes sections 13 (B) and 13-A of Republic Act No. 8291, otherwise known as the expanded government insurance act of 1997.
Makabubuti kung mula 60 yrs. old ay ibaba natin sa edad na 56 ang retirement ng government employee upang mas maaga niyang matanggap ang mga benepisyo at magamit niya sa tamang pagreretiro.
Inasahan nating magbubunga ang isasagawa nating pagdinig kasama ang mga miyembro ng komite ng Basic Education, Arts and Culture at ang Finance.
Alam n’yo naman sa Senado, marami ang mahusay, marami ang matatalino at medyo magbabakbakan muna sa argumento ang mga ‘yan pero sa dulo nito ay tiyak namang magtutulungan din para lumabas nang maganda ang nabuong batas.
Sa panig natin, basta nasa ilalim ng ating komite at pakikinabangan ng sambayanan ay buo palagi ang ating suporta at walang bahid ng pulitika. Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments