top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Malayan at Gonzales, champion sa Pacquiao Valentine 10-Ball

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Feb 16, 2020
  • 2 min read

Umangat ang pinagsanib-puwersa nina Sean Mark Malayan at Patrick Gonzales kontra sa tambalan nina Rodrigo Edgie Geronimo at Roland Garcia sa isang maigting na bakbakan sa finals, 10-7, upang mahablot ang kampeonato ng Doubles Division sa 2020 Sen. Emmanuel D. Pacquiao Valentine’s 10-Ball Open Tournament Doubles sa palaruan ng isang mall sa Bacolod City, Negros Occidental.

Isang 3-3 na tabla ang bumungad sa labanan ng dalawang panig bago pinakawalan nina Malayan, dating Kiosk Billiard Sinulog 9-Ball champion, at Gonzales ang isang 4-1 na harurot para makalapit sila sa trono sa iskor na 7-4. Muling umangas ang laro nina Geronimo at Garcia kaya lumiit na ang agwat nina Malayan at Gonzales, 7-6. Pero tila natauhan ang huli at kumana ng tatlong magkakasunod na tagumpay upang selyuhan ang kampeonato, 10-6. Isang upset ang resulta kung pagbabasehan ang exposure sa international scene dahil si Geronimo ay minsan nang nagwagi sa Jay Swanson Memorial 9-Ball sa California habang si Garcia ay naging segunda sa 2017 World 9-Ball Championship sa Qatar.

Tumanggap sina Malayan at Gonzales ng halagang P200,000 dahil sa pamamayani sa event habang sina Geronimo at Garcia ay nakapagbulsa ng P100,000. Nag­kasya na lang sa natitirang upuan sa winners’ circles sina Jundel Mazon - Antonio Gabica, Jerico Banares - Carlo Biado, Johann Chua - Jeffrey Ignacio, Ronel Nalaunan - Romeo Silvano, Jesson Marabi - Kyle Amoroto at Val Pajuay - Jovannie Edurece. Ito ang pangalawang runner-up finish ni Garcia sa dalawang dibisyon na kompetisyon na nagsimula noong Peb. 3. Sa singles event, pumangalawa rin siya sa likod ni Johann “Bad Koi” Chua sa pagyuko niya rito sa championship face-off, 7-10, sa torneong inorganisa ng Manny Pacquiao Billiards Promotions. Si Chua ay nagha­handa sa kanyang pagsabak sa World Pool Masters sa Gibraltar.

Sa torneong ito, taong 2010 pa nang huling magkampeon ang isang Pinoy sa katauhan ni Dennis “Robo­cop” Orcullo. Ang kampeonato ay nagbigay kay Chua ng ha­la­gang P150,000 samantalang P75,000 ang naibulsa bilang pakonswelo ni Garcia na nagdiwang ng kanyang pang-41 na kaarawan noong Enero 31.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page