top of page

Basehan ng pagiging benepisaryo ng namatay na SSS member

  • Buti Na Lang May SSS
  • Feb 16, 2020
  • 3 min read

Dear SSS, Miyembro ng SSS ang lolo ko at namatay siya last two years ago. May bonus ba sa beneficiary niya? Ang sabi kasi ng auntie ko na nagtatrabaho sa SSS Iligan Branch, may makukuha raw pera ang lola ko kada buwan. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming natatanggap. Ilang months ba bago mai-release ‘yung benefits na ‘yun? - Rawiya

Sagot Mabuting araw sa iyo, Rawiya! Hindi mo nabanggit ang mga mahahalagang detalye tungkol sa iyong lolo tulad ng kanyang Social Security number, buong pangalan at petsa ng kanyang kamatayan. Importante na malaman natin ang impormasyong ito upang ma-verify ang kanyang record kung mayroong makukuha ang kanyang mga benepisaryo ng mga kaukulang benepisyo sa SSS tulad ng funeral at death benefits.

Nagbibigay ang SSS ng funeral benefits sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro ng SSS kung siya ay nakapaghulog kahit isang buwan lamang bago ang kanyang pagkamatay. Mula noong Agosto, 2015, ito ay nagkakahalagang mula P20,000 hanggang P40,000 na naaayon sa bilang ng kanyang hulog sa SSS at average monthly salary credit sa mga nakalipas na taon.

Maaari ring makakuha ng death benefits ang kanyang primary beneficiaries o legal na benepisaryo tulad ng kanyang asawa at menor-de-edad na mga anak — lehitimo man ito, ilehitimo o legal na ampon kung ang namayapang miyembro ay nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon bago ang kanyang kamatayan. Ito ay isinasalin ng 100% sa kanyang asawa at mga menor-de-edad na anak.

Para rin sa iyong kaliwanagan, ang bonus na tinutukoy mo ay ang 13th month na pension na ibinibigay ng SSS tuwing Disyembre sa tulad na legal na benepisaryo ng iyong lolo, sa lola mo kung siya ang kanyang legal na asawa sa sandaling maisalin na ang pensiyon ng iyong lolo, kung siya ay retiree-pensioner bilang surviving spouse.

Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 36 buwan ang hulog ng miyembro. Lump sum benefit din ang benepisyong ibinibigay kung walang primary beneficiaries o legal na asawa o menor-de-edad na anak ang miyembro.

Samantala, ang dependent’s pension ay ibinibigay sa menor-de-edad na mga anak ng miyembro, lehitimo man ito o ilehitimo kung hindi pa tumutuntong sa 21 taong gulang, walang asawa at hindi pa nagtatrabaho.

Ang halagang kanyang matatanggap ay katumbas ng 10% ng basic monthly pension ng miyembro o P250 kada bata, alinman ang mas mataas. Ito ay ipinagkakaloob sa limang menor-de-edad na anak, mula sa pinakabata at walang substitution. Matitigil lamang ang pagbibigay ng dependent’s pension sa sandaling umabot na sa 21 taong gulang ang anak ng miyembro, makapag-asawa o magkaroon ng trabaho.

Sa ilalim ng batas ng SSS, kung hindi na menor-de-edad ang mga anak ng namayapang miyembro at sila ay isinulat bilang designated beneficiaries, sila naman ang maaaring makapag-file ng death benefit at makatatanggap ng lump sum amount. Tandaan, ang primary beneficiaries lamang ang tatanggap ng buwanang pensiyon. Ang secondary beneficiaries, designated beneficiaries at legal heirs ay lump sum benefit kahit pa nakabuo ang namayapang miyembro ng 36 buwanang kontribusyon o higit pa.

Ang normal na pagproseso ng death benefit claim ay umaabot sa isang buwan mula sa pagtanggap ng SSS ng lahat ng mga dokumentong kinakailangan mula sa claimant/benepisaryo para sa aplikasyon hanggang sa pagbabayad ng nasabing benepisyo. Maaari ring humingi ng iba pang karagdagang dokumento ang SSS kung may kailangang mga kumpirmasyon hinggil sa kanyang pangalan, petsa ng kapanganakan at iba pa.

Nakapaloob din dito ang mga special cases kung saan maaaring lagpas sa time commitment ang pagproseso tulad ng mga claims na nangangailangan pa ng legal opinion, death claim na walang funeral claim at contested claims kung saan may multiple beneficiaries. Kailangang tiyakin at siguraduhin ng SSS na ang final claim na tulad ng death benefit ay maibibigay sa tamang benepisaryo.

Sa kaso ng iyong lola, makabubuting makipag-ugnayan siya sa pinakamalapit na sangay ng SSS dala ang mga kaukulang dokumento ng iyong namayapang lolo upang makapag-file ng death claim application sa SSS.

◘◘◘

Patuloy nating ipinaaalam sa ating mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@ sss.gov.ph.

1 Comment


Vanessa Cuyan
Vanessa Cuyan
Nov 15, 2024

PANO Naman po Kung kakamatay Lang po Ng papa ko November 4 may ampon siya 18 years old di na po pwde ako Kasi 24 na po ako pwde po ba ba siya Ang mag claim at mag papatuloy Ng beneficiary PANO po kung Hindi siya na Sali sa beneficiary Ng papa ko po pwde pa Rin po Kasi ampon po Namin siya?

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page