top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

7-man team Phl boxers, ‘patayan’ sa Olympics

  • Gerard Ace
  • Feb 16, 2020
  • 2 min read

Pursigido ang seven-man team ng National boxing na makuha ang kani-kanilang slots sa 2020 Tokyo Olympics sa pagdaan ng mga ito sa matinding training bilang paghahanda sa nalalapit na Asia/Oceania Continental Olympic Qualifier sa Amman, Jordan sa susunod na buwan.

Walang makahahadlang sa mga pangarap ng mga National boxers na makamit ang inaasam nitong makapaglaro sa pinakamataas na paligsahan sa pandaigdigang kompetisyon, maging ang pinangangambahang sakit na Corona Virus Disease (COVID-19) outbreak na kumakalat na sa buong mundo.

Kasalukuyang nag-eensayo sa Thailand sina world champion Nesthy Petecio at world runner-up winner Felix Eumir Marcial, Carlo Paalam, Ian Clark Bautista, James Palicte, Irish Magno at Riza Pasuit, kasama ang ilang amateur boxers, coaches at support staff bilang preparasyon sa nakatakdang laban sa Marco 3-11.

“Nagsisikap po kami na makalaro sa Olympic qualifier, ang sa akin lang pinagsusumikapan ko talagang makalaro sa Olympic Qualifier kase pangarap ko talaga na maka-Olympic gold,” wika ni Paalam, na nagwagi ng gold medal sa nakalipas na 30th SEAG noong Disyembre sa bansa sa light-flyweight category. “Pangarap ko talaga mula nu’ng pagkabata ko, ito ‘yung pangarap ng pamilya ko, ito ‘yung rason kung bakit ako nandito, ‘yung Olympic,” dagdag ni Paalam na dumaan sa matinding selection bout laban kay 2016 Rio Olympics campaigner at SEAG flyweight titlist Rogen Ladon.

Dinaig ni Paalam si Ladon, habang naungusan naman ni Bautista si Mario Fernandez sa bantamweight fight at si Palicte laban kay Jere Samuel Dela Cruz para sa Light-Welterweight division.

Ayon kay National coach Ronald Chavez, ipinagmamalaki nito ang team captain na si Ladon sa pagbibigay-daan nito matapos yumukod kay Paalam sa selection para sa flyweight division. “Proud na proud ako lalo na kay Rogen kase bilang team captain, alam niya kung siya o hindi, bilib ako sa batang iyan dahil wala siyang reklamo, dahil sinabi niya sa akin na hindi man siya ang maipapadala doon, dahil kung sino man mananalo siya ang maglalaro sa qualify,” pahayag ni Chavez sa panayam ng isang Television Network.

Naunsiyami ang nakatakdang Olympic qualifying noong Pebrero 3-14 sa Wuhan, China dahil sa COVID-19 outbreak, kung kaya’t napuwersa ang International Olympic Committee (IOC) na ilipat ang naturang slugfest sa Amman upang maiwasang kumalat pa ito sa mga boksingero.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page