2 coed tinumbok ng van

Sa halip na preno, accelerator ang natapakan ng driver ng L300 van kaya bumulusok ito patungo sa mga naglalakad na estudyante at bystanders sa gilid ng kalsada dahilan ng pagkamatay ng isa rito sa Aguinaldo Highway, Bgy Zone 1-A, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang mga biktima na sina Elsie May De Guzman at Yumilka Shin Calahati, kapwa 19-anyos at college student.
Sa imbestigasyon ni Pat. Norman Guerra, pasado alas-10:40 ng umaga, magkasabay na naglalakad ang dalawang biktima kasama ang iba pang estudyante sa gilid ng Aguinaldo Highway, Bgy. Zone 1-A.
Hanggang sa tumbukin ng Mitsubishi L300 na minamaneho ng suspek na si Jeffrey Balidoy, 26, residente ng National Road Pintung Gubat, Paliparan III, Dasmariñas City, Cavite.
Minamaneho umano ng suspek ang kanyang sasakyan at bumabagtas sa nasabing highway nang magpasya itong magmenor pero, sa halip na preno ay accelerator ang kanyang natapakan dahilan upang magrebolusyon ang sasakyan at dumiretso sa mga biktima.
Pumailalim ang dalawang biktima sa sasakyan na pinagtulungang alisin at itinakbo sa Pagamutan ng Dasmariñas subalit, idineklarang wala ng buhay si De Guzman.
Agad namang naaresto ang suspek na humingi ng tawad sa mga pamilya ng biktima.





Comments