Tumatawid sa pedestrian lane.. 8 estudyante niragasa ng jeep, 1 patay
- Gina Pleñago
- Feb 14, 2020
- 1 min read

Photo: Henry Liao (right)
Inararo ng pampasaherong jeep ang walong estudyante kung saan, isang 13-anyos ang nasawi sa Makati City.
Matinding pinsala ang tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nalagutan ng hininga sa Ospital ng Makati ang biktimang si Jules Villapando, 13, Grade 8, sa Gen. Pio del Pilar National High School.
Ginagamot na ang mga sugatan na sina Dexter Aquino,13; Phoebe Marie Pestano; Andrei Dela Cruz, kapwa 15-anyos; Serjen Arucan; Alvin Regalario, parehong 14-anyos; Donita de Chavez,13 at Oscar Wendell Ponce, 17, pawang mga estudyante ng nabanggit na paaralan na may mga sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si Crisalde Jaictidan Tamparo, 31, driver ng jeep, tubong Bag-Ong Ariosa, Molave, Zamboanga.
Sa nakarating na report kay Makati City Police Chief Police P/Col. Rogelio Simon, alas-7:20 ng gabi nang mangyari ang insidente sa panulukan ng J.P. Rizal Avenue at Mabini St., Bgy. Poblacion.
Sa kuha ng CCTV footage, nakitang naglalakad at patawid sa tamang tawiran ang mga biktima nang salpukin ito ng rumaragasang jeep (PYV 848). Sinasabing nawalan umano ng preno ang jeep na minamaneho ni Tamparo. Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mga biktima at nakaladkad ng ilang metro ang layo ang biktimang si Villapando.
Dali-dali namang isinugod ang mga ito sa nabanggit na pagamutan, pero si Villapando ay nasawi rin kalaunan habang ito ay ginagamot.
Sa ngayon ay nakakulong na ang driver na napag-alamang nagpositibo sa ilegal na droga.





Comments