Lady Chiefs, matibay ang kapit sa 2nd spot ng NCAA volley

Dinispatsa ng reigning 3-time women’s champion Arellano University ang wala na sa kontensiyong Emilio Aguinaldo College, 25-15, 25-14, 25-20, upang patatagin ang kapit nila sa second spot ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament kahapon sa FilOil Flying V Centre.
Kahit hindi pinaglaro ang kanilang beteranang hitter na si Regine Arocha, naisiguro ng Arellano ang playoff para sa isang semifinals twice-to-beat bonus sa pag-angat nila sa markang 7-1, panalo-talo.
Pinangunahan ni Carla Donato ang naturang panalo ng Arellano sa itinala niyang 12 puntos lahat galing sa attacks kasunod si Nicole Ebuen na may 11 puntos.
Dominado ng Lady Chiefs ang laban sa unang dalawang frames bago uminit ang opensa ng Lady Generals sa third set kung saan lumamang pa sila sa iskor na 20-16.
Ngunit mula roon, hindi na nakaiskor pa ang EAC habang itinala ng Arellano ang huling siyam na puntos ng laro sa pamamagitan nina Ebuen na nagpatabla sa iskor sa 20-all, setter Sarah Verutiao na nagbigay ng huling matchpoint ng laban mula sa service box at Donato na sumelyo sa panalo.
Tumapos ang EAC na pinamunuan ni Catherine Almazan na may 14 puntos, 10 digs at 7 receptions na nasa pinakabuntot ng standings taglay ang markang 1-8, panalo-talo.
Nauna rito, napigil ang tangka ng EAC Generals na makopo ang second seed sa men’s division papasok ng semifinals. Nasilat ng Arellano Chiefs ang Generals sa isang dikdikang 5-setter, 22-25, 23-25, 25-22, 25-21,15-12.





Comments