Bulaklak at tsokolate, out; bouquet ng face mask, alcohol at sanitizer, in ngayong V-Day

Kahit may iba’t ibang isyu na kinahaharap ang bansa, dumako muna tayo sa mga positibong bagay, partikular sa pagiging malikhain ng mga Pinoy.
Ngayong Araw ng mga Puso, tiyak na sandamakmak na naman ang pakulo ng mga pamilihan para bumenta sa taumbayan ang kanilang mga produkto, partikular ang mga karaniwang ipinanreregalo tulad ng bulaklak at tsokolate.
Isa sa mga dinarayo ng mamimili tuwing Undas at Araw ng mga Puso ang Dangwa Flower Market dahil sa mura at iba’t ibang klase ng mga bulaklak na mapagpipilian.
Ngayong taon, hindi nagpatinag sa simpleng bouquet o flower arrangement ang mga nagtitinda ng bulaklak dito dahil iba rin talaga ang pagiging malikhain ng ating mga kababayan.
Hindi porke Araw ng mga Puso ay bulaklak at tsokolate lang ang puwedeng ibigay sa nililigawan o partner.
Kaya naman, patok ngayon ang isang tindahan sa Dangwa na nagbebenta ng kakaibang klase ng bouquet.
Merong bouquet ng gulay at de-lata habang ikinatuwa naman ng mamimili ang bouquet na higit na mapakikinabangan ngayong may coronavirus disease (COVID-19) scare dahil meron itong face mask, alcohol, sanitizer at wet tissue.
‘Ika nga, kahit may okasyon, hindi natin dapat isantabi ang pagiging praktikal. ‘Yung bulaklak ay nabubulok, ‘yung tsokolate naman ay nauubos, pero ang pagiging malinis sa katawan ay mapakikinabangan sa mas mahabang panahon.
Patunay lang na hindi nawawala sa ating mga Pinoy ang pagiging madiskarte.
Tipong hindi nagpapahuli sa pagiging maingat, pero siyempre, hindi rin nakakalimutan ang espesyal na araw na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments