San Juan at Palayan City nagwagi sa CBA q'finals

Parehong nakadale ang San Juan at Palayan City ng panalo kontra sa kani-kanilang karibal sa quarterfinal sa Community Basketball Association Pilipinas Executive Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig noong Peb. 6.
Nakasakay ang San Juan sa malakas na laro ni Cyril Gonzales at apat na mainstays upang padapain ang Mabalacat, 98-78 habang sumandal ang Palayan sa 1-2 punch nina Levi de la Cruz at Renz Alcoriza upang mapahiya ang Malabon, 106-82 sa isang pares ng knockout quarterfinal matches.
Bumasket si Gonzales ng 21 puntos upang palakasin ang Go-for-Gold Knights para sa nakakukumbinsing panalo sa torneo ng CBA. Naasahan din ng Knights ang big games nina Noel Lugo (13 points, 4 assists, 2 rebounds), Jasper Salenga (12 points, 4 rebounds, 4 assists), Judel Fuentes (10 points, 4 assists) at JP Nieles (10 points ) upang talunin ang Tribes.
Namuno si Kinsman Frando sa Tribes na may 13 points at 8 rebounds, kasunod ni Arvin Ortega at Jay Sierra na may tig-12 points. Sa kabuuan, nakagawa ang San Juan ng 39-of-77 shots/50 percent, laban sa Mabalacat na may 30-of-69/ 43 percent. Impresibo rin ang Palayan, na namuno rin mula simula hanggang matapos nang gapiin ang Malabon.
Bumanat si De la Cruz ng game-high 27 points, kabilang ang 5 triples habang si Alcoriza ay may 26 points kasama ang 4 triples upang manguna sa panalo ng Capitals. Si Nick Abanto ay may double-double 16 points at 10 rebounds para sa Palayan City, na may naibakas na 29 points kontra Malabon. Sina Prince Casin (22 points, 4 rebounds), Robbi Darang (14 points), at Carl Digno (11 points, six assists) ang top players ng Malabon.





Comments