Pogo owners na Chinese na hindi nagbabayad ng mahigit P50 bilyong tax, tokhangin na!
- Pabs Hernandez III
- Feb 13, 2020
- 2 min read
IMBES NA BIGTIME GAMBLING LORDS, NAGSUSUGAL NG BARYA-BARYA SA PATAY ANG PINAG-IINITAN NI GEN. SINAS —Inatasan ni NCRPO Director Gen. Debold Sinas ang kanyang mga tauhan na hulihin ang mga nagsusugal ng saklang-patay, tong-its at bingo sa mga lamay sa Metro Manila.
Ganu’n? Imbes na bigtime gambling lords na tulad ni “Jun Moriones” na may raket na “jueteng” at “STL-Pares” sa CAMANAVA ang iprayoridad ni Gen. Sinas na hulihin, eh, ang pinag-iinitan niya ay ang “pasugalan” ng mga maralitang namatayan na umaasa sa pabarya-baryang “tong” na pandagdag-gastos sa pampalibing sa yumao nilang mahal sa buhay, saklap!
◘◘◘
DAPAT SIBAKIN DIN NI DILG SEC. AÑO ANG MGA GOBERNADOR AT MAYOR NA ‘NGANGA’ SA ILLEGAL GAMBLING—Batay sa “one strike policy” ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, sibak sa puwesto ang sinumang regional, district, provincial at station commander na “nganga” lang sa illegal gambling.
Kailan kaya magpapalabas ng direktiba si DILG Sec. Eduardo Año na sibak din ang aabutin ng mga gobernador at mayor na “nganga” sa illegal gambling? Abangan!
◘◘◘
LAGANAP ANG RAKET NA JUETENG AT STL-PARES SA CAMANAVA, PERO NPD DIRECTOR, ‘UNTOUCHABLE’ SA PUWESTO—Matapos magpalabas ng direktibang “war on illegal gambling” si Gen. Gamboa, sibak ang inabot nina Brig. Gen. Val de Leon sa PNP-Region 7 at Brig. Gen. Noli Bathan sa Southern Police District (SPD) na inilipat bilang deputy director for administration ng NCRPO.
Parang unfair kina Gen. De Leon at Gen. Bathan na sila lang ang nasibak kasi sa CAMANAVA ay tuloy pa rin daw ang mga raket na “jueteng” at “STL-Pares”, pero si Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, “untouchable” sa puwesto, boom!
◘◘◘
CHINESE POGO OWNERS, TOKHANGIN NA RIN—Sa Senate hearing, nabulgar na nitong 2019, mahigit P50 billion tax diumano ang hindi pa binabayaran sa gobyerno ng mga Chinese na nagmamay-ari ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Kung ganyan sila kabalatuba sa pagbabayad ng tax, hindi lang pala ang mga nagsusugal sa patay ang dapat ipa-”tokhang” ng gobyerno, kundi pati ang mga POGO owners, period!





Comments