Para makapagbayad ng tamang buwis.. Freelancers, magparehistro sa DTI, SEC at BIR

Tinatrabaho na ng House Committee on Labor and Employment ang mga panukalang-batas na layong maproteksiyunan ang mga tinaguriang freelance worker o nasa Gig Economy.
Ayon kay Committee Chairman 1-Pacman Partylist Rep. Enrico Pineda na mahalagang matutukan na rin ang kalagayan ng mga freelancers lalo na at posibleng maging pangalawa na ito sa pinakamalaking hanay ng mga manggagawa sa bansa kasunod ng mga nasa local Business Process Outsourcing (BPO) sector.
Lumalabas na aabot sa 1.5 milyon ang freelancers na mga Pilipino at maaaring lumobo pa ito sa mga susunod na taon.
Ipinunto ng mga mambabatas na marami ang nahihikayat sa freelancing dahil sa maluwag na oras ng trabaho, balanseng buhay at financial freedom ngunit, nahaharap din ang hanay na ito sa isyu ng pagbubuwis, seguridad at proteksiyon sa trabaho.
Dahil dito, ipinupursige na maiparehistro ang mga freelancers sa Department of Trade and Industry (DTI), Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue upang makapag-ambag sila sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis.
May panukala rin na ang mga rehistradong freelancers ay ililibre sa pagbabayad ng income tax para sa unang tatlong taon at sa mga susunod na taon ay magiging ‘exempted’ ang kumikita lamang ng hindi hihigit sa P300,000 kada taon at P10,000 ang income tax na babayaran ng mga kumikita ng sobra sa P300,000 sa loob ng isang taon.
Itinutulak din ang pag-oobliga na magkaroon ng kontrata ang freelancer at kliyente nito upang masigurong mababayaran ang manggagawa at maipagkakaloob ang serbisyong napagkasunduan.





Comments