May tagas sa balbula sa puso, hindi puwedeng magpabunot ng ngipin, nakamamatay
- Shane Ludovice
- Feb 13, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Kamakailan ay nagpa-check-up ako sa health center. Okay naman ang resulta maliban nang sabihan ako ng doktor na baka meron akong mitral valve prolapse. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa sakit na ito? - Ricardo
Sagot Kaya sinasabi ng doktor na baka meron kayong mitral valve prolapse ay mayroon siyang narinig na murmur o kakaibang tunog sa puso mo na puwedeng sintomas ng mitral valve prolapse. Ang mitral valve prolapse o MVP ay madalas na nao-over diagnosed kaya kailangan munang tiyakin sa pamamagitan ng mga pagsusuri.
Ang puso ay nag-e-expand nang mahigit sa 100,000 beses bawat 24 oras. Ang puso ay may apat na chambers: Ang left and right atria at left and right ventricle. Ang mitral valve ay one-way valve na nasa pagitan ng left atrium — na siyang tumatanggap ng dugo mula sa baga — at ang left ventricle ang siya namang nagbobomba ng dugo sa buong katawan.
Bumubukas ang mitral valve upang makadaan ang dugo mula sa left atrium papunta sa left ventricle at sumasara ito pagkatapos. Mayroon din itong mga flap na parang maliliit na daliri. Kapag hindi nagsara ang mga flaps, puwedeng bumalik ang dugo sa left atrium. Ito ang tinatawag na mitral valve prolapse.
Noon, ang akala ng mga doktor ay halos 1/3 ng populasyon ang mayroong mitral valve prolapse at mas common ito sa kababaihan. Ngunit, mayroon nang makabagong test ngayon ang mga cardiologist na makapagpapatunay na ang mitral valve ay may iba’t ibang tunog na hindi naman nangangahulugang may mitral valve prolapse ang pasyente. Maaari pa na ang balbula ay hindi nagsasara nang todo basta walang leakage, okay lang ito. Pero kapag may leakage, ito ang masama. Magiging dahilan ito ng fainting o pagkahimatay o heart failure.
Ang pinakaimportanteng diagnostic equipment para sa mitral valve prolapse ay ang ecocardiogram. Sa pamamagitan ng 2D ecocardiogram o ultrasound ng puso, makikita kung ang puso ay may mitral valve prolapse o may ibang abnormality. Base sa findings, madedesisyon ng doktor kung ano ang susunod na hakbang.
Kapag napatunayang mayroon kayong mitral valve prolapse, lalo pa kung ito ay may leakage ng dugo papunta sa left atrium, kailangan ninyong ipaalam sa inyong dentista bago kayo magpabunot o magpalinis ng ngipin. Kailangang painumin muna kayo ng antibiotic bago gawin ang anumang dental procedure. Dahil ang mikrobyo na galing sa inyong bibig ay maaaring mapunta sa blood stream at magdala ng impeksiyon sa mitral valve at maging sanhi ng sakit na bacterial endocarditis. Ang kondisyong ito ay maaaring dahilan ng heart failure o kamatayan.
Samakatwid, ang mitral valve prolapse ay karaniwan ngunit, hindi kasinglaganap tulad ng inaakala noon. Hindi lahat ng mitral valve prolapse ay delikado pero kailangan lamang makasiguro ang doktor upang malapatan niya ng wastong gamot o maayos ito sa pamamagitan ng operasyon kung kinakailangan.




Comments