Kontra krimen.. Bumbero, bigyan ng baril — DILG
- V. Reyes
- Feb 13, 2020
- 1 min read

Ikinakasa na ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na mabigyan ng armas ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) simula ngayong taon.
Naninindigan si Año na ang pag-aarmas sa tinatayang 29,286 bumbero sa bansa ay praktikal na hakbang sa gitna ng pagpapalakas ng kampanya ng gobyerno laban sa kriminalidad, ilegal na droga, terorismo at matinding karahasan.
Maituturing aniyang dagdag na puwersa ang mga bumbero sa layong manatiling mapayapa at ligtas ang bansa.
Tinukoy pa ng kalihim ang naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa pagtulong ng BFP sa pagpapanatili ng kaayusan at hindi malimitahan lamang sa pagpuksa ng sunog.
Sinabi ni Año na pagbibitbitin ng 9mm pistola ang mga bumbero. Humingi na rin aniya sila ng pondo mula sa Department of Budget and Management upang bilhin ang mga armas.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na daraan muna sa marksmanship at gun safety training ang mga bumbero.
Naniniwala naman si BFP Director Jose Segundo Embang na ang pag-aarmas sa mga bumbero ay nangangahulugan ng karagdagang kasanayan at responsibilidad.





Comments