K to 12, hindi sapat para magkatrabaho ang mga estudyante, palalakasin
- Kuya Win Gatchalian
- Feb 13, 2020
- 2 min read

Hangga’t hindi bumubuti ang academic performance ng mga mag-aaral, hindi tayo titigil sa pagtutok sa estado ng kurikulum ng K to 12 sa bansa.
Nakadidismaya ang nakuhang marka ng ating mga mag-aaral sa Reading Comprehension, Science at Math sa pinakahuling global survey na Programme for International Student Assessment (PISA) na inilabas noong nakaraang taon.
Sa susunod na taon (2021), muling sasabak ang Pilipinas sa nasabing pagsasanay o global survey at hindi natin gustong maulit ang ganitong resulta. Kaya naman, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok natin ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang reporma sa K to 12 o ayusin ang kurikulum nito upang mapunan ang anumang pagkukulang sa pag-aaral ng mga estudyante.
Isang pagsubok sa K to 12 ay ang resulta ng mga natututunan ng mga mag-aaral. Nakita natin sa National Achievement Test (NAT) noong 2018 na 37.44 ang nakuhang marka ng mga Grade 6 student habang 44.59 naman sa mga Grade 10 student, pawang nasa lebel na “low mastery.”
Kaya naman, naghain ang inyong lingkod ng resolusyon na naglalayong suriin ang implementasyon ng “Enhanced Basic Education Act of 2013” o ang K to 12 Law.
Kabilang sa mga nais nating malaman ang kahandaan at kapasidad ng mga paaralan kaugnay sa implementasyon ng programang K to 12.
Titingnan natin kung pasok ba ang mga ito sa pamantayan ng pagtuturo sa mga senior high school ng mga espesyalisasyon sa academics, technical-vocational-livelihood, sports o arts and design.
Ito ay dahil isa sa mga kasalukuyang pagsubok ay kung nasisiguro ang pangako na maraming bilang ng mga nagsipagtapos ng K to 12 ang nagkakaroon ng akmang trabaho.
Ayon sa 2018 survey ng 500 kumpanya na isinagawa ng JobStreet, 24 porsiyento lamang ng mga kumpanya ang nais tumanggap ng K to 12 graduates.
Lumalabas na karamihan ng mga kumpanya ay naghahanap ng mga aplikante na nakapagtapos sa kolehiyo.
Bilang kabuuan, layunin ng panukalang-batas na ihanay ang mga hakbang na nakapaloob dito sa programang “Sulong EduKalidad” ng DepEd.
Hangarin ng naturang programa ang pagtutok sa pagsasaayos sa kurikulum ng K to 12, pag-angat sa learning environment ng mga mag-aaral, paglinang sa kakayahan at karunungan ng mga guro at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga sektor.
Kung noon ay “access to education” lamang ang target ng DepEd, ngayon ay bibigyang-prayoridad na ng departamento na makamit ang de-kalidad na edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments