Grab driver pinagsasaksak, patay

Isang 29-anyos na Grab driver ang nasawi matapos pagsasaksakin ng kalugar sa harap mismo ng kanyang kapatid na babae sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ospital ng Malabon sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan si Ronel Gunida, ng Bgy. Catmon.
Ipinag-utos na ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang follow-up operation kontra sa suspek na si Alex Padilla, 22, ng Bgy. Catmon.
Sa imbestigasyon nina PMSg. Julius Mabasa at PSSg. Ernie Baroy, alas-7:45 ng gabi, kainuman ng biktima ang kanyang kapatid na babae na si Rochel nang lumapit ang suspek at walang sabi-sabing inundayan ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan si Ronel bago tumakas.
Sa nakalap na impormasyon ng mga imbestigador sa mga kaanak ng nasawi, may matagal na umanong alitan ang biktima at ang suspek sa hindi malamang dahilan.





Comments