Ceres Negros, pinatikim ang kamandag sa AFC Cup vs. Svay

Photo: gmanetwork
Ipinamalas agad ng Ceres Negros ng Pilipinas ang kanilang kamandag kontra sa bisitang PKR Svay Rieng, 4-0, sa pagbubukas ng 2020 AFC Cup sa harap ng higit 4,000 manonood sa Rizal Memorial Stadium Martes ng gabi.
Maagang naka-goal sina Takashi Odawara at Joshua Grommen at dinagdagan pa ito ng dalawang pandiin na goal sa second half buhat kay Bienvenido Maranon para sa buwenamanong tagumpay.
Ipinasok ni Odawara ang unang goal, isang malakas na malapitang sipa sa ika-12 minuto na hindi talaga mapipigil ni Svay Rieng goalkeeper Soeuy Visal. Matapos ng dalawang minuto ay dinoble ng tumatalong si Grommen ang lamang ng Busmen sa harap ng protesta na tumama ang bola sa kanyang kamay subalit hindi ito nabaligtad.
Namayani muli si Ceres goalkeeper Roland Muller at pinigil niya ang penalty kick ni Tiago dos Santos sa ika-23 minuto.
Walang duda na angat ang kalidad ni Maranon, ang may pinakamaraming goal sa AFC Cup noong nakaraang taon, at napasok ang bola sa ika-54 at ika-70 minuto at ibigay sa Busmen ang maagang liderato sa Grupo G.
Kahit hindi naka-goal, malaking ambag ang dinala ng bagong pirmang si Manny Ott at siya ang pumasa ng bola kay Maranon sa una niyang goal. Bumalik si kapitan Stephan Schrock galing sa isang larong suspensiyon at naramdaman ang kanyang halaga simula sa palobong pasa para sa goal ni Grommen.
Napili si Maranon bilang Man of the Match. ”I don’t think that much about scoring because I have a lot of teammates who can help and I play for the team,” wika ni Maranon, ang Kastilang forward na nasa kanyang pang-anim na taon sa koponan.
Sa isa pang laro sa Grupo G, tinalo ng Bali United ng Indonesia ang bisitang Than Quang Nihn ng Vietnam, 4-1. Ang mga Vietnamese ang susunod na makakalaro ng Ceres ngayong Pebrero 25 sa Rizal Memorial muli.





Comments